Pinawi nina Vice Ganda at Kim Chiu ang mga espekulasyong may lamat ang kanilang samahan matapos maging usap-usapan sa social media ang hindi pagbanggit ng Unkabogable Star sa pangalan ng aktres habang tinatanggap ang Best Host award sa inaugural FAMAS Broadcast Arts Awards.
Sa episode ng It’s Showtime nitong Martes, Hulyo 21, 2026, pormal na humingi ng paumanhin si Vice kay Kim at ipinaliwanag na dulot lamang ito ng pagmamadali at kawalan ng prompter para sa 16 na co-hosts ng programa.
“Kim Chiu, congratulations to us! Nakalimutan ko banggitin ‘yung pangalan mo kahapon. Pasensya na po. Sixteen po kasi ‘yung host. Wala akong prompter.”
Gayunman, naging mainit ang palitan sa X (dating Twitter) matapos tuligsain ni Vice ang ilang fans ni Kim na nag-react at tinawag ang kanilang gawi na “toxic” at “ka-cheapan.”
Agad namang ipinagtanggol ni Kim ang kaniyang mga tagahanga at sinabing hindi “ka-cheapan” ang pagiging protective ng mga ito, kundi bunga lamang ng labis na pagmamahal sa kanilang idolo.
Binuweltahan naman ito ni Vice sa pagsasabing kahit kailan ay hindi niya ito-tolerate ang maling pag-uugali ng mga tagahanga kapalit lamang ng suporta ng mga ito.
Sa kabila ng palitan ng opinyon, agad na nilinaw ng dalawa na nananatili silang magkaibigan at walang personal na away na nagaganap sa pagitan nila.
Biniro pa ni Vice ang publiko na pati ang sarili niyang nanay ay nakalimutan niyang pasalamatan sa speech, habang nakiusap naman si Kim sa kaniyang mga tagahanga na itigil na ang tensyon at spread na love na lamang.
