Ligtas na nakarating sa San Ramon Prison and Penal Farm sa Zamboanga City nitong Martes ng gabi, Hulyo 21, 2026, ang panibagong batch ng 200 Persons Deprived of Liberty (PDLs) mula sa New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ayon kay Bureau of Corrections (BuCor) Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr., ang hakbang ay bahagi ng estratehikong programa ng ahensya upang maibsan ang labis na pagsisiksikan sa Bilibid bilang paghahanda sa pinal na pagsasara nito.
Inihayag ni NBP Chief Superintendent Gary A. Garcia na naging maayos at organisado ang biyahe ng mga bilanggo sa tulong at pangangalaga ng 70 security personnel na sumailalim sa masusing briefing bago ang operasyon.
BASAHIN: Surge ng amoebiasis sa Bilibid, inaksyunan
Dahil sa pinakabagong paglilipat, umabot na sa 1,909 PDLs ang matagumpay na nailipat sa mga regional facility mula sa target na 7,000 PDLs na nakatakdang ilipat ngayong taong 2026.
Mula nang umupo si Catapang noong 2022, umabot na sa kabuuang 16,530 PDLs ang nailipat sa iba’t ibang Operating Prison and Penal Farms (OPPFs) sa buong bansa.
Binigyang-diin ng BuCor chief na ang patas na pagpapakalat ng mga presuhan ay mahalaga upang matiyak ang mas ligtas, makatao, at epektibong rehabilitasyon ng mga preso habang patuloy ang pakikipag-ugnayan ng ahensya sa mga lokal na pamahalaan at kaugnay na tanggapan.
