Opisyal nang ipinakilala ng Lyceum of the Philippines University (LPU) ang beteranong coach na si Jamike Jarin bilang bagong head coach ng Pirates para sa darating na NCAA Season 102.
Pinili ng pangulo ng unibersidad na si Atty. Bobby Laurel si Jarin dahil sa taglay nitong karanasan at pagpapahalaga sa integridad at kahusayan, na tugma sa adhikain ng paaralan.
Papalitan ni Jarin si Gilbert Malabanan na naglingkod sa Pirates sa loob ng limang season.
Sa ilalim ni Malabanan, tatlong beses na nakatapak sa Final Four ang Lyceum, ngunit hindi nila naulit ang tagumpay noong panahon nina Coach Topex Robinson at CJ Perez kung saan umabot ang koponan hanggang sa Finals.
Ang paglipat na ito ay nagsisilbing balik-NCAA para kay Jarin matapos ang sampung taon. Huli siyang nakita sa liga noong 2016 nang ihatid niya ang San Beda Red Lions sa kampeonato sa Season 92.
Matapos ang kanyang matagumpay na stint sa San Beda, lumipat siya sa UAAP para hawakan ang NU Bulldogs, at kalaunan ay naging interim at head coach ng Phoenix Fuel Masters sa PBA.
Inamin ni Jarin na bagama’t nakatutok siya sa PBA sa nakalipas na limang taon, nasasabik siyang bumalik sa pag-mentina ng mga batang manlalaro sa kolehiyo.
Ayon sa kanya, magdadala siya ng mga bagong ideya at ibang mindset sa koponan. Aminado rin ang 55-anyos na mentor na nasa yugto ng pagbuo muli o rebuilding ang Pirates matapos mawala ang mga beteranong sina Ato Barba, Gyle Montano, Joshua Moralejo, at JM Versoza.
Sa kanyang pagpasok sa Intramuros, aasahan ni Jarin ang mga natirang pambato ng koponan na sina Renz Villegas at Jonathan Daileg. Kasabay nito, paghahandaan din nila ang pagbabalik ng dating Junior Pirates star na si Matthew Rubico na muling magsusuot ng kulay ng Lyceum matapos ang isang taon sa La Salle. (Ron Tolentino)
