Isang malaking dagok ang tumama sa mundo ng men’s volleyball matapos opisyal na ianunsyo ng powerhouse team na Cignal Super Spikers ang kanilang pagliban o leave of absence sa darating na Spikers’ Turf Open Conference ngayong Pebrero.
Sa isang opisyal na pahayag nitong Biyernes, sinabi ng pamunuan ng Cignal na ang mahirap na desisyong ito ay bunga ng masusing pagsusuri sa kasalukuyan at mga susunod na plano ng kumpanya.
Bagama’t pansamantala lamang ang paghinto, itinuturing itong isang “shock exit” dahil ang Cignal ang kinikilalang standard-bearer at pinakamatagumpay na prangkisa sa kasaysayan ng liga na may kabuuang siyam na kampeonato simula noong 2015.
Dahil sa hakbang na ito, biglang naging free agents ang mga pambato ng koponan at mga bituin ng national team na Alas Pilipinas.
Kabilang sa mga maaari nang kuhanin ng ibang koponan ay ang Alas Men captain na si Bryan Bagunas, kasama sina Owa Retamar, Louie Ramirez, Lloyd Josafat, Vince Lorenzo, JP Bugaoan, Jau Umandal, at EJ Casana.
Inaasahang pagkakaguluhan ng limang natitirang koponan sa liga ang mga nasabing manlalaro upang palakasin ang kani-kanilang roster.
Ang pag-atras ng Cignal ay bahagi ng tila “wave of exits” sa Philippine volleyball scene ngayong taon. Matatandaang nitong nakaraang dalawang buwan lamang ay binuwag na rin ang Chery Tiggo Crossovers, habang nag-leave of absence din ang defending champion na Petro Gazz Angels sa panig ng PVL (women’s league).
Sa kabila ng balitang ito, nilinaw ng pamunuan na magpapatuloy ang operasyon ng kanilang women’s team, ang Cignal HD Spikers, sa Premier Volleyball League (PVL) All-Filipino Conference na magsisimula na ngayong Sabado, Enero 31, laban sa Galeries Tower.
Sa ngayon, mananatiling bakante ang tronong iniwan ng Cignal sa Spikers’ Turf habang naghihintay ang mga tagahanga kung kailan muling magbabalik ang tinaguriang “gold standard” ng men’s volleyball. (Ron Tolentino)
