November 5, 2024

ISKO MORENO MINULTO SA MANILA CITY HALL

Ngayong papalapit na ang Undas, ibinahagi ni dating Manila City Mayor Isko Moreno Domagoso ang kanyang naging karanasan diumano habang siya ay namamalagi sa Manila City Hall.

Sa kanyang Facebook post nitong Oktubre 17, ibinahagi ni Moreno na isa sa mga nami-miss niya ay ang pagtulog sa City Hall.

Ipinakita niya pa ang kanyang naging kwarto noon kung saan siya natutulog dahil sa hindi na siya makauwi sa dami ng kanyang trabaho.

Hindi naman maiwasan ng mga netizens na mapatanong kung may kakaiba bang karanasan si Moreno habang siya ay nagpapalipas ng mga gabi sa City Hall.

Sinagot naman ito ng dating alkalde at sinabi na marami na siyang nakakakilabot na karanasan sa loob ng City Hall.

“Nako po. Meron po, may maririnig kang kadenang hinihila. Takot ako sa multo talaga kaso kailangan mag sakripisyo para mabigyan ko po ng kapanatagan ang mga kababayan kong Manileño na may gobyernong umiiral 24 oras.” kwento ng alkalde.

Matatandaan na isa ang Manila City Hall sa mga diumano’y pinapamugaran ng mga hindi maipaliwanag na elemento at naging usap-usapan din ang tila korteng ‘kabaong’ ng nasabing establisyemento.

Ibinahagi naman ng paranormal expert na si Ed Caluag na kahit siya ay may naramdaman na kakaiba noong pasukin niya ang City Hall.

“Nakakaramdam ako ng mga energies dito na hindi pangtao,” ani Caluag.

Ngunit nilinaw ng ilang eksperto na hindi ikinorte ang City Hall sa kabaong kundi sa  ‘Knights of Templar’ na sumisimbolo sa Simbahang Katoliko.