Screengrab: NET25
Mariing kinondena ng Iglesia ni Cristo (INC) ang napipintong paghahain ng kasong plunder laban kay Sen. Rodante Marcoleta, at hayagang binatikos ang hakbang bilang isang anyo ng “selective justice” na layon umanong harangin ang patuloy na imbestigasyon sa isang malaking iskandalo ng korapsyon sa pamahalaan.
Sa opisyal na pahayag na binasa ni INC Spokesperson Edwil Zabala nitong Martes, binigyang-diin ng kapatiran na bagaman hindi sila tutol sa pagpapatupad ng batas, labis nilang tinututulan ang paggamit ng sistema ng hustisya para protektahan ang mga tiwaling opisyal.
“Hindi tutol ang Iglesia ni Cristo sa pagpapatupad ng batas. Pero tutol kami sa pagbaluktot sa batas, lalo na kung ang layunin ay para pagtakpan ang katiwalian,” pahayag ni Zabala.
Nagmula ang kontrobersya sa alegasyong hindi idineklara ni Marcoleta ang kabuuang P75 milyong halaga ng campaign contributions na natanggap niya mula sa tatlong pribadong donor noong nakaraang halalan. Ayon kay Assistant Ombudsman Mico Clavano, ang pagtanggap ng ganitong kalaking halaga mula sa mga pribadong entidad ay labag sa regulasyon ng pampublikong sektor.
Dahil lagpas ito sa P50-milyong threshold para sa krimeng plunder, maituturing itong isang non-bailable offense (walang piyansa). Dagdag pa ni Clavano, hindi rin ito inilagay ni Marcoleta sa kanyang Statement of Contributions and Expenditures (SOCE) sa Comelec at sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN).
BASAHIN: EDSA paralisado sa ‘surprise rally’ ng INC
Mariin namang itinanggi ni Marcoleta ang mga paratang. Ayon sa senador, may “pulitika” sa likod ng kaso upang harangan ang kanyang mga ginagawa bilang dating chairman ng Senate Blue Ribbon Committee. Giit niya, sinadya ang tiyempo ng pagsasampa ng kaso upang hindi siya makasama sa malawakang flood control corruption probe at sa nakatakdang impeachment trial ni Bise Presidente Sara Duterte sa susunod na linggo.
Ang tensyong ito sa pulitika ang nagbunsod sa dambuhalang lightning rally nitong Martes, kung saan libo-libong miyembro ng INC ang sabay-sabay na nagtipon sa mga estratehikong kalsada, kabilang ang EDSA White Plains malapit sa People Power Monument at sa Liwasang Bonifacio sa Maynila. Bitbit ang mga plakard na humihiling ng transparency at pagwawakas sa “selective justice,” tuluyang naparalisa ang daloy ng trapiko sa pangunahing highway ng Metro Manila.
Ayon kay Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) General Manager Nicolas Torre III, tinatayang umabot sa 10,000 demonstrador ang pumuno sa EDSA nitong tanghali, kaya naman itinaas na ng Philippine National Police (PNP) ang kanilang alert status sa full alert.
Bagamat nagtagumpay ang mga awtoridad na alisin ang mga iligal na nakaparadang bus upang mabuksan muli ang EDSA Busway, nanatiling sarado sa mga motorista ang mga daan patungong Malacañang tulad ng Ayala Bridge, bahagi ng Recto Avenue, at Mendiola.
Dahil sa lumalalang sitwasyon sa kalsada at seguridad sa EDSA, napilitan si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na kanselahin ang kanyang pagdalo sa dalawang malaking public events nitong Martes ng umaga—kabilang ang inagurasyon ng isang marine clean-up vessel sa Manila Bay at ang presidential luncheon kasama ang Foreign Correspondents Association of the Philippines (FOCAP)—upang personal na tutukan at bantayan ang kaganapan mula sa Palasyo.
