Bistado ang operasyon ng umano’y ilegal na e-sabong sa bayang ito matapos ang sorpresang pagsalakay ng mga operatiba ng Regional Special Operations Group (RSOG)-PRO3 at ng lokal na kapulisan.
Ayon kay PBGen. Jess Mendez, Regional Director ng PRO3, agad na ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng kumpirmadong impormasyon hinggil sa talamak na ilegal na pasugalan sa nasabing lugar.
Bukod sa mismong sugal, naging sentro rin ng atensyon ang pagkakakumpiska sa tatlong baril sa loob ng pasilidad. Ayon sa ulat, naipuslit umano ang mga nasabing armas ng ilang sabungero sa loob ng sabungan sa kabila ng ipinatutupad na mahigpit na pagbabawal sa pagdadala ng nakamamatay na sandata.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya upang matukoy ang nasa likod ng operasyon at ang iba pang mga indibidwal na posibleng sangkot sa naturang ilegal na aktibidad.
Inaasahang mahaharap sa kaukulang demanda ang mga may-ari ng establisyimento at ang mga mahuhulihan ng ilegal na armas. (AR BERNARDO)
