Isang malaking pasasalamat ang ipinaabot ng isang residente sa Taguig City Police matapos ang mabilis na pagresponde at pagkakaaresto sa dalawang suspek na nanloob sa kanilang tahanan sa Barangay Ususan kamakailan.
Ayon sa biktima na si Mr. Jerome Yabut, bandang alas-3:30 ng madaling araw nang pasukin ng dalawang hindi awtorisadong indibidwal ang kanilang bahay.
Sa kabila ng oras, laking gulat at pasasalamat ni Yabut nang rumesponde ang mga tauhan ng Police Substation 4 (Ususan) sa loob lamang ng sampung minuto.
Dahil sa mabilis na koordinasyon, agad na sinuri ng mga awtoridad ang mga CCTV footage mula sa Barangay Ususan at Barangay Tuktukan.
Dito ay malinaw na natunton ang dinaanan ng mga suspek hanggang sa matukoy ang kanilang pinagtataguan sa loob ng Bagong Calzada Cemetery.
Hindi na nag-aksaya ng panahon ang mga pulis at agad na ikinasa ang isang follow-up operation na nagresulta sa pagkakadakip sa dalawang suspek at pagkakabawi sa mga ninakaw na cellular phones ng biktima.
Ikinatuwa naman ng pamunuan ng Taguig City Police ang pagkilalang ibinigay ni Mr. Yabut.
Ayon sa himpilan, ang ganitong uri ng tiwala mula sa mamamayan ang nagsisilbing inspirasyon sa buong pwersa upang lalo pang pag-igihin ang kanilang mabilis at maayos na paglilingkod para sa seguridad ng publiko.
Binigyang-diin din ng kapulisan na ang tagumpay ng operasyon ay bunga ng epektibong paggamit ng teknolohiya gaya ng CCTV at ang aktibong pakikipagtulungan ng komunidad. (AR BERNARDO)
