Muling ipinaalala ni Senior Citizens Party-list Rep. Rodolfo “Ompong” Ordanes na umaabot na sa 40 porsyento ang diskwento sa pamasahe ng mga senior citizens na sumasakay sa mga rutang sakop ng subsidized routes ng Department of Transportation (DOTr).
Ang naturang diskwento ay binubuo ng regular na 20% discount na dinagdagan pa ng dagdag na 20%, alinsunod sa kondisyon ng Net Service Contracting Program ng DOTr.
Bukod sa mga nakatatanda, ang karagdagang 20% discount ay epektibo rin para sa mga estudyante at persons with Disabilities (PWDs)
Sakop ng programang ito ang 823 ruta sa buong bansa, kabilang ang mga Public Utility Jeeps (PUJs), bus, at ang EDSA Carousel.
Ayon kay Ordanes, na siya ring Vice-Chair ng Committee on Appropriations, malaking tulong ang net service contracting hindi lamang sa mga pasahero kundi pati na rin sa mga driver at operator, lalo na’t marami sa mga namamasada ay senior citizens na rin.
“Mahusay na programa ito dahil targeted response measure. Masinop na paggamit ng pondong umaabot sa P800 million,” ani Ordanes.
Pinuri rin ng mambabatas ang paggamit ng GPS technology sa ilalim ng programa.
Lahat ng sasakyang kalahok ay lalagyan ng GPS device upang maitala ang eksaktong distansyang tinakbo nito.
Sa pamamagitan nito, masisiguro na tanging mga unit na may prangkisa mula sa LTFRB ang makakasali at ang matatanggap na subsidy ng mga operator ay nakabase sa tunay at tumpak na datos.
Pinuri ni Ordanes ang DOTr sa maayos na disenyo ng programa na layuning mapagaan ang gastusin ng mga bulnerableng sektor habang sinisiguro ang maayos na sistema ng transportasyon sa bansa.
