Nabisto ng Manila Electric Company (Meralco) katuwang ang Philippine National Police (PNP), ang ilegal na bentahan ng mga metro ng kuryente sa Sta. Cruz, Maynila noong Martes, Enero 13, bilang bahagi ng pinaigting na kampanya laban sa pagnanakaw ng kuryente.
Nasabat ang 12 piraso ng umano’y ninakaw at muling ibinebenta na metro ng kuryente na pag-aari ng Meralco. Ayon sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng PNP, bunga ang operasyon ng serye ng surveillance na isinagawa sa tulong ng Meralco.
Ayon sa mga awtoridad, modus ng mga suspek ang pagnanakaw ng mga metro ng kuryente para muling ibenta online. Nakatakdang magsampa ng kaso ang Meralco laban sa sangkot sa ilegal na bentahan ng mga metro.
“Nagpapasalamat kami sa mabilis na aksyon ng PNP para labanan ang ilegal na gawaing ito. Tinitiyak namin sa aming mga customer na patuloy na makikipagtulungan ang Meralco sa mga awtoridad upang mapangalagaan ang serbisyo ng kuryente at matiyak ang kaligtasan ng publiko,” ani Joe R. Zaldarriaga, Vice President at Head ng Corporate Communications ng Meralco.
Muling iginiit ng Meralco na ang pagnanakaw at pagbebenta ng mga metro ng kuryente at iba pang pasilidad ng kumpanya ay labag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity Pilferage Act, na may parusang pagkakakulong at/o multa mula P50,000 hanggang P100,000.
Samantala, ang mga bumibili o gumagamit ng mga nakaw na metro at iba pang gamit ng kumpanya ay maaari ring managot sa ilalim ng Presidential Decree No. 1612 o Anti-Fencing Law of 1972.
“Hinihikayat namin ang publiko na agad na i-report sa Meralco o sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad na may kaugnayan sa mga pasilidad ng Meralco gaya ng mga metro at kable. Tinitiyak namin na patuloy kaming makikipagtulungan sa PNP upang labanan ang pagnanakaw ng mga pasilidad ng Meralco at iba pang ilegal na gawain na banta sa kaligtasan ng publiko at sa paghahatid ng serbisyo ng kuryente,” dagdag ni Zaldarriaga.
Maaaring i-report ng mga customer ang anumang alalahanin sa serbisyong kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app, o sa mga opisyal na social media account sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X (@meralco). Maaari rin silang magtext sa 09209716211 o 09175516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211. (MINA PADERNA)
