Inanunsyo ng Department of Justice nitong Huwebes na pormal nang kinikilala bilang mga state witnesses sina dating public works officials Roberto Bernardo, Henry Alcantara, at Gerard Opulencia, kasama ang kontratistang si Sally Santos kaugnay ng malawakang anomalya sa mga flood control projects.
Ayon kay Prosecutor General Richard Anthony Fadullon, ang apat na indibidwal ay kasalukuyan nang nasa ilalim ng Witness Protection Program dahil sa kanilang kahalagahang makapagbigay ng testimonya sa nasabing imbestigasyon.
Binigyang-diin naman ni DOJ Secretary Fredderick Vida na dahil sa kanilang katayuan bilang mga testigo ng gobyerno, sila ay magkakaroon ng immunity o mapapawalang-sala sa mga partikular na pananagutang kriminal na kinasasangkutan ng kanilang mga ibubunyag na impormasyon.
Kaugnay nito, nagsimula na ring magsauli ng malaking halaga ang mga nabanggit na testigo bilang bahagi ng kanilang restitusyon sa kaban ng bayan.
Sa kabuuang P1.5 bilyon na inaasahang mababawi ng gobyerno, nasa P316,381,500 na ang kasalukuyang naisusumite sa National Treasury kung saan si Henry Alcantara ang may pinakamalaking naibalik na nagkakahalaga ng P181 milyon, sinundan ni Gerard Opulencia na may P80 milyon, Roberto Bernardo na may P35 milyon, at Sally Santos na may P20 milyon.
Ayon kay DOJ Undersecretary Nicolas Felix Ty, ang isinauling pera ni Bernardo ay mula sa paunang bayad sa pagbebenta ng kanyang ari-arian at inaasahang aabot sa P1 bilyon ang kabuuang halagang itatama nito sa oras na mabayaran ang balanse ng nasabing benta.
Habang nagpapatuloy ang imbestigasyon, nilinaw ni DOJ Spokesperson Polo Martinez na nakatuon ang kagawaran sa tatlong malalaking kaso ng plunder na kinasasangkutan nina Senador Jinggoy Estrada, dating Senador Bong Revilla, at dating Congressman Zaldy Co.
Bukod sa mga kaso ng pandambong, may kabuuang 24 na iba pang usapin ang kasalukuyang sinusuri ng DOJ na kinabibilangan din ng mga kumpanyang SYMS Construction, Wawao Builders, at Topnotch Catalyst Builders, Inc.
Sa kabilang banda, hindi naman pinalad na maging state witnesses sina dating DPWH engineers Brice Hernandez at Jaypee Mendoza matapos makita ng prosekusyon na wala pang sapat na pangangailangan para sila ay i-discharge sa kasalukuyan, bagama’t maaari pa rin silang ikunsidera sa hinaharap depende sa bigat ng kanilang mailalahad na ebidensya.
