PORMAL nang naghain ng reklamong libel nitong Biyernes si Batangas First District Representative Leandro Leviste laban kay Communications Undersecretary Claire Castro dahil sa mga pahayag nito patungkol sa itinatag niyang solar energy company.
Ang hakbang na ito ay kasunod ng naging pahayag ni Energy Secretary Sharon Garin na nabigo umano ang Solar Philippines na makapaghatid ng kuryente sa tamang oras, dahilan upang kanselahin ng ahensya ang ilang kontrata ng kumpanya at patawan ito ng multang aabot sa P24 bilyon.
Sa kanyang depensa, iginiit ni Leviste na ang kanyang kumpanya ang nakapagtayo ng pinakamalaking kapasidad ng renewable energy sa Pilipinas at nakapagdala ng pinakamalaking foreign investment sa bansa noong taong 2025.
Binigyang-diin ng mambabatas na wala siyang nakuhang anumang pondo mula sa gobyerno at ang kanyang puhunan ay nagmula sa pribadong negosyo.
Bagama’t hindi direktang sinagot ang mga detalye ng alegasyon ni Garin, sinabi ni Leviste na iginagalang niya ang mga kawani ng pamahalaan ngunit sasagutin niya ang mga isyu sa tamang forum.
Nagpahayag din siya ng pagkabahala na ang ganitong mga hakbang ay nagbibigay ng impresyon na ginigipit ang mga negosyante, na nagiging sanhi ng pag-aalinlangan ng mga mamumuhunan sa bansa. (MINA PADERNA)
