“Useless lamang.”
Ito ang naging pahayag ng kontratistang si Curlee Discaya kaugnay sa plano sanang paglalabas ng iba pang mga pangalan ng mga pulitikong sangkot sa mga maanomalyang flood control projects sa bansa.
Ayon sa source na malapit kay Discaya, na ayaw magpabanggit ng pangalan, nawalan na ng gana at tiwala si Curlee na magsisilbi itong paraan para sa katotohanan dahil sa halip na pakinggan, ay lalo lamang silang napag-iinitan at ginigipit ng mga nasa kapangyarihan.
Naniniwala si Discaya na ang paglalabas ng mga bagong pangalan ay magsisilbi lamang na mitsa para lalo silang puntiryahin ng administrasyon at ng mga kaalyado nito.
Aniya, ang mga pulitikong ito ay may kakayahang baligtarin ang sitwasyon para sila ang magmukhang masama.
“Useless lamang kung magbubunyag pa ako ng iba pang mga pulitiko na sangkot… dahil hindi rin naman ako pakikinggan o paniniwalaan. Bagkus, pag-iinitan lamang kami ng mga ito,” pahayag ni Discaya.
Ipinunto rin ni Discaya na mahirap nang labanan ang kasalukuyang sistema dahil ang mga dating magkakalaban sa pulitika ay magkakaalyado na ngayon.
Dahil dito, naniniwala siya na anumang ebidensya o testimonya ang kanyang ibigay ay mauuwi lamang sa wala dahil “protektado” ang mga sangkot na opisyal.
Matatandaang una nang ibinulgar ni Discaya ang talamak na hingian ng SOP o kickback na umaabot sa 25% hanggang 30% sa mga proyekto, ngunit sa halip na imbestigahan ang mga tumanggap ng suhol, ang kanyang pamilya at kumpanya ang ngayon ay nahaharap sa sunod-sunod na kaso at pagkaka-detine ng kanyang asawa.
Muling nanindigan si Discaya na sila ay ginagawang “sacrificial lamb” o panakip-butas upang hindi umabot sa “itaas” o sa mga malalaking pangalan sa gobyerno ang imbestigasyon sa bilyong-bilyong pondo ng flood control.
Dahil sa panganib sa kanilang seguridad at kawalan ng patas na pagdinig, pinili na lamang ni Discaya na manahimik sa ngayon, bitbit ang pagsisisi na ang kanilang pagbubunyag noon ay nagresulta lamang sa pagkakakulong ng kanyang asawa at pagkasira ng kanilang kabuhayan. (ARNOLD PAJARON JR)
