Nag-anunsyo ang Meralco nitong Linggo, Enero 11, ng serye ng mga nakatakdang power interruption sa iba’t ibang bahagi ng Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal ngayong linggo dahil sa mga maintenance works.
Sa Quezon City, mawawalan ng suplay ng kuryente ang ilang bahagi ng Barangay Bagong Silangan, Batasan Hills, at Payatas simula sa alas-onse ng gabi ng Enero 12 hanggang alas-kwatro ng madaling araw ng Enero 13 dahil sa isasagawang line reconstruction sa kahabaan ng Dove Street. Nakatakda ring mawalan ng kuryente ang ilang lugar sa Barangay Matandang Balara sa pagitan ng Enero 16 at 17 mula alas-onse ng gabi hanggang alas-singko ng madaling araw dahil naman sa pagpapalit ng mga poste at line reconductoring sa kahabaan ng Feria Road.
Para naman sa mga residente ng Muntinlupa City, apektado ang mga Barangay Alabang, Bayanan, Putatan, at Tunasan sa darating na Enero 12 hanggang 13 sa pagitan ng alas-onse y medya ng gabi at alas-kwatro y medya ng madaling araw. Isasagawa sa nasabing mga oras ang pagpapalit ng mga poste, line reconstruction, at pagkakabit ng karagdagang lightning protection devices sa kahabaan ng Bautista Street.
Samantala, sa Lungsod ng Las Piñas, magkakaroon din ng pagkaputol ng serbisyo ng kuryente sa mga Barangay BF International Village, Manuyo II, at Pulang Lupa II sa Enero 14 hanggang 15. Ang aberya ay mararanasan sa pagitan ng alas-onse y medya ng gabi hanggang alas-kwatro y medya ng madaling araw bunsod ng pagsasaayos at pagpapalit ng mga delikadong poste ng kuryente sa kahabaan ng CAA Road.
Magkakaroon din ng mga katulad na maintenance works sa mga lalawigan ng Bulacan, Cavite, Laguna, at Rizal.
Pinapayuhan ang mga residente sa mga nabanggit na lugar na maghanda at i-charge ang mga mahahalagang gadget at emergency lights bago ang nakatakdang blackout.
Paalala ng Meralco, ang mga naturang aktibidad ay bahagi ng pagsisikap na mapabuti ang serbisyo at masiguro ang kaligtasan ng mga linya ng kuryente sa inyong lugar. (MINA PADERNA)
