Kinumpirma ng Department of Health (DOH) nitong Linggo, Enero 11, na umabot na sa 63 ang bilang ng mga naitalang kaso ng tinaguriang “super flu” sa bansa, ngunit tiniyak na lahat ng mga ito ay gumaling na at ligtas.
Ayon kay DOH Spokesperson Dr. Albert Domingo, ang naturang datos ay naitala hanggang noong buwan ng Disyembre. “Lahat po sila ay buhay, lahat sila ay gumaling na,” pahayag ni Domingo sa isang panayam sa radyo.
Nilinaw ng DOH na ang “super flu” ay hindi isang bagong uri ng sakit. Sa halip, ito ay isa lamang variant ng Influenza A o ang karaniwang trangkaso na matagal na umanong umiikot sa bansa.
Wala ring pagkakaiba ang sintomas nito sa normal na trangkaso gaya ng ubo at sipon, lagnat at pananakit ng katawan.
Pinaalalahanan din ng kagawaran ang publiko na hindi lahat ng may sipon o masakit ang lalamunan ay may “super flu” na agad. Dahil sa malamig na panahon ngayong Enero, maaaring dala lamang ito ng iritasyon sa ilong at lalamunan dulot ng pabago-bagong temperatura.
“Kapag hindi naman tayo naglagnat tapos nangangati ’yung mata natin, pati ibang bahagi ng katawan, maaaring allergy po ’yan,” paliwanag ni Domingo. Idinagdag pa niya na may iba pang mga “mild” na virus na umiikot ngayon na hindi naman nauuwi sa malalang sakit.
Bagamat hinihikayat ang pagsusuot ng face mask, binigyang-diin ni Domingo na hindi ito dapat ikabahala o ituring na senyales ng malalang krisis sa kalusugan.
“Huwag nating isipin na dahil sinasabi ng DOH na magsuot ng face mask ay may malaking problema na naman. Ito ay pag-iingat lamang,” pagtatapos ng opisyal.
