Hindi hinayaan ni Scottie Thompson na masayang ang kanyang pinakamagandang laro sa karera matapos bidahan ang Barangay Ginebra sa isang krusyal na 105-91 tagumpay laban sa defending champion San Miguel Beermen sa Game 4 ng PBA Season 50 Philippine Cup semifinals nitong Linggo, Enero 11.
Sa harap ng nagbubunying mga fans, nagtala ang dating PBA MVP ng halimaw na triple-double na may career-high 35 points (mula sa 13-of-18 shooting), 11 rebounds, at 11 assists. Dahil sa panalong ito, naitabla ng Gin Kings ang best-of-seven series sa 2-2.
Sa kabila ng kanyang “legendary performance,” nanatiling mapakumbaba si Thompson at ibinigay ang kredito sa kanyang mga kakampi.
“I think we fought hard every quarter. Luckily, it was a good night for me, we found our rhythm as a team, and I think that was the most important,” pahayag ni Thompson.
Dagdag pa niya, ang susi sa kanilang panalo ay ang paglimita sa opensa ng mga guards ng San Miguel at ang pagbabantay kay June Mar Fajardo sa depensa.
Hindi naman mapigilan ni Ginebra head coach Tim Cone na purihin ang kanyang floor general. Tinawag ni Cone na “legendary” ang ipinamalas ni Thompson at ikinumpara ang kababaang-loob nito sa higanteng si June Mar Fajardo.
“Scottie is one of the most humble guys you’ll meet outside of June Mar. This has been a legendary performance. I think we’ll remember this for a long time,” ani Cone.
Nagpakitang-gilas ang buong koponan ng Ginebra sa pagpasa ng bola matapos makapagtala ng 34 assists sa kanilang 41 field goals.
Bukod kay Thompson, nag-ambag din ng 12 points, 3 rebounds at 7 assist si Jayson David mula sa bench habang nalimitahan ng Ginebra si Fajardo sa 9 points lamang (3-of-14 shooting), bagamat humakot pa rin ang higante ng 20 rebounds.
Sa panig ng Beermen, sinubukan nina CJ Perez at Chris Ross na isalba ang koponan sa kanilang pinagsamang 42 points, habang nagdagdag si Jericho Cruz ng 15 markers, ngunit hindi ito sapat para pigilan ang ragasa ng Ginebra.
Ayon kay Cone, ang pinakamalaking hamon para sa kanyang koponan ay ang maniwala na kaya nilang talunin ang “formidable” at “dynastic” na koponan ng San Miguel, lalo na’t puno ito ng mga pambato gaya nina Marcio Lassiter at Don Trollano.
Magtutuos muli ang dalawang higanteng koponan sa Game 5 para sa krusyal na bentahe sa serye. (RON TOLENTINO)
