Inanunsyo kahapon ng civil society coalition na “Atin Ito” ang kanilang nakatakdang ikaapat na civilian-led mission sa West Philippine Sea (WPS) na binansagang “Balik Pag-asa” sa darating na Abril.
Sa ginanap na press conference sa Quezon City, ipinaliwanag ng grupo na ang pangunahing layunin ng misyon ay maghatid ng tulong at suplay sa Pag-asa Island sa Kalayaan Island Group.
Target din ng operasyon na bigyang-diin ang lumalalang banta ng dayuhang espiya o espionage sa bansa at ang epekto ng tumataas na presyo ng langis sa kabuhayan ng mga mangingisdang Pilipino.
Ayon kay Rafaela David, co-convenor ng koalisyon, ang “Balik Pag-asa” ay tugon sa mga hamong kinakaharap ng mga komunidad sa baybayin. “Ang misyong ito ay para sa ating mga mangingisda na direktang tinatamaan ng krisis sa petrolyo at para na rin ipahayag ang ating mariing pagtutol sa anumang banta sa ating soberanya,” aniya.
Maglulunsad din ang grupo ng mga dayalogo sa mga lokal na residente ng isla upang mas mapalakas ang boses ng mga “frontliners” ng WPS. Inaasahang lalahukan ang paglalayag ng iba’t ibang sektor kabilang ang mga kabataan, mangingisda, at mga advocate ng karapatan sa teritoryo ng Pilipinas.
Ito na ang ikaapat na pagkakataon na magsasagawa ng malakihang civilian mission ang Atin Ito matapos ang mga matagumpay na paglalayag noong mga nakaraang taon upang maghatid ng krudo, pagkain, at moral support sa mga Pilipinong naninirahan sa mga malalayong isla ng bansa.
