May 19, 2024

Drug group member isinelda sa baril sa Navotas

BAGSAK sa kulungan ang isang construction worker na miyembro umano ng “Saragoza Drug Group” matapos makuhanan ng baril sa Navotas City, kahapon ng umaga.

Kinilala ni Navotas police Chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong suspek bilang si Jason Javier alyas “Kerker” ng F. Nablo St., Brgy. NBBS Proper.

Ayon kay Col. Ollaging, nakatanggap ng impormasyon ang mga operatiba ng Station Intelligence Section (SIS) na nag-iingat umano ng hindi lisensyadong baril ang suspek kaya kumuha sila ng search warrant sa korte.

Sa bisa ng isang search warrant na inisyu noong October 5, 2022 ni Judge Pedro Tulud Dabu ng Regional Trial Court (RTC) Branch 286, Navotas City para sa paglabag sa RA 10591, hinalughog ng mga operatiba ng SIS sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr, kasama ang Sub-Station 4, SRU at TMRU ang loob ng bahay ng suspek sa presensya ng kanyang tiyahin, barangay opisyal at media dakong alas-9:26 ng umaga.

Nasamsam ng mga pulis sa loob ng bahay ng suspek ang isang cal. 38 revolver na may apat na bala at isang belt bag na itim. Nahaharap ang suspek sa kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Laws of Firearms and Ammunations).