May 19, 2024

Obrero, mangingisda tiklo nalambat sa buy bust

SHOOT sa loob ng rehas na bakal ang isang obrero at mangingisda na kapwa listed drug personalities matapos mabitag sa isinagawang buy bust operation ng pulisya sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek bilang sina Joshua Antonio, 31, (pusher/listed) at Edgardo Abuan alyas “Ega”, 50, (user/listed), kapwa ng S. Roldan St., Brgy. Tangos South.

Ayon kay Ollaging, dakong alas-10:45 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLT Luis Rufo Jr ng buy bust operation in relation to SAFE NCRPO sa Roldan St., Brgy. Tangos South.

Isang undercover police ang nagawang makaiskor ng P300 halaga ng shabu kay Antonio at nang tanggapin niya ang marked money mula sa police poseur buyer kapalit ng isang sachet ng shabu ay agad lumapit ang back-up na operatiba saka sinunggaban ang suspek, kasama si Abuan.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigi’t kumulang 10 gramo ng hinihinalang shabu na may standard drug price P68,000 at buy bust money.

Nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002.