January 23, 2025

P1.04-B special risk allowance ng health workers, inilabas na ng DBM

INAPRUBAHAN na ng Department of Budget and Management (DBM) ang Special Allotment Release Order upang mai-download sa Department of Health (DOH) ang P1.04 billion para sa special risk allowance ng mga public and private health workers na naging bahagi ng COVID-19 health care response noong pandemya.

Ang nasabing halaga ay para punan ang hindi pa nabayaran na COVID-19 allowance ng 55,211 na mga health workers. 

Sila ay tatanggap ng tig-P5,000 bawat buwan sa kanilang serbisyo noong panahon na nasa ilalim ng State of National Emergency ang bansa. 

Sinabi ni DBM Secretary Amenah Pangandaman, ang mga kwalipikadong health workers ay tumutukoy sa medical, allied medical, at iba pang health personnel na naka-assigned sa mga hospitals at health care facilities na may direktang contact sa mga  COVID-19 patients, persons under investigation (PUI) at persons under monitoring (PUM).

Ang pag-release ng nasabing pondo ay base sa inaprubahan na Bayanihan to Recover as One Act noong nakaraang administrasyon.  Sa kabuuan, nakapagpalabas na ang DBM ng P11.857 billion para sa special risk allowance ng mga health care workers sa buong bansa.