Umabot sa higit 400 bahay ang natupok sa isang malaking sunog na sumiklab sa Barangay 21-C, Piapi Boulevard kahapon, Oktubre 2.
Itinaas sa ika-apat na alarma ang sunog bago tuluyang naapula bandang 7:27 ng gabi, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP). Patuloy pa ring iniimbestigahan ang sanhi ng insidente.
“Dako kaayo og damage – sobra 400 ka balay ang naigo. Salamat kaayo sa daling tabang nga nadawat sa mga residente,” pahayag ni Barangay Captain Joenard Gabrillo.
Agad namang nagbigay ng paunang tulong ang City Social Welfare and Development Office (CSWDO) sa mga apektadong pamilya, kabilang ang pagkain at pansamantalang matutuluyan.
Personal na bumisita si Acting Vice Mayor Rigo Duterte upang kamustahin ang mga nasunugan. Tiniyak niyang makatatanggap ng pinansyal na ayuda at food packs ang mga residente habang nagsisimula silang muling bumangon.
Nagpaabot din ng tulong ang opisina ni First District Representative Paolo Duterte para sa mga apektadong pamilya.
Sa ngayon, nagpapatuloy ang imbestigasyon ng BFP upang alamin ang pinagmulan ng naturang sunog.
