Matinding batikos ang ibinato ni dating Ilocos Sur governor Luis “Chavit” Singson laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., matapos niyang akusahan ang administrasyon ng mas matinding korapsyon kumpara sa panahon ng yumaong Pangulong Ferdinand Marcos Sr.
Sa isang panayam nitong Huwebes, Oktubre 2, sinabi ni Singson na nangampanya siya noon para kay Marcos Jr. sa pag-asang lilinisin nito ang pangalan ng kanilang pamilya at iiwas sa mga isyung kinaharap ng ama.
“Sumama ako sa kanya to campaign for him dahil akala ko nagbago na, di na kagaya ’yung tatay niya na ang issue nga ay graft and corruption. Akala ko lilinisin na pangalan nila — hindi, nilagpasan niya pa tatay niya,” ani Singson.
Bumuwelta rin siya sa mga puna na kaya bigla siyang naglabasan sa publiko ay dahil sa pulitika. “No! It’s just happen na… eto na ang pinakamalaking graft and corruption na lumalabas,” giit ng dating gobernador.
Ang mga pahayag ni Singson ay dagdag sa umiinit na batikos na kinakaharap ng administrasyon ni Marcos Jr., lalo na matapos ang mga alegasyon ng malawakang anomalya sa flood control projects at iba pang malalaking imprastruktura.
