
Isiniwalat ng Bureau of Corrections (BuCor) na cardiovascular disease, partikular ang heart attack (acute myocardial infarction) ang pangunahing sanhi ng pagkamatay ng mga Persons Deprived of Liberty (PDLs), na lumampas pa sa tuberculosis (TB) na matagal nang kinikilala bilang malaking banta sa kalusugan sa loob ng mga piitan.
Batay sa ulat na isinumite kay BuCor Director General Gregorio Pio P. Catapang Jr. ni CT/CSupt. Ma. Cecilia V. Villanueva, Director for Health and Welfare Services, lumalabas na bagama’t nananatiling seryosong isyu ang TB dahil sa overcrowding at mahinang bentilasyon sa mga kulungan, mas marami ngayong kaso ng pagkamatay dahil sa pneumonia at acute respiratory failure.
Ayon kay Villanueva, nagpapatuloy ang BuCor sa pagpapatupad ng iba’t ibang programa laban sa TB sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno at non-government organizations.
Kabilang dito ang:
- TB screening para sa lahat ng bagong pasok na PDLs
- Regular na TB mass screening o active case finding
- Health education ukol sa TB prevention at management
- Libreng gamot, bitamina, at nutritional support
- Bantay Kalusugan monitoring kada brigade
- Routine counseling at testing para sa mga pasyenteng may TB
- Regular na TB laboratory services at trainings ng DOH staff
Noong 2023, kinilala ng Muntinlupa City Health Office ang BuCor bilang top contributor sa TB case finding at notification dahil sa tuloy-tuloy na Active Case Finding program.
Top 10 sanhi ng pagkamatay sa NBP (2022–2025)
Batay sa datos ng BuCor, ito ang nangungunang sampung sanhi ng pagkamatay ng mga PDL sa New Bilibid Prison:
- Acute Myocardial Infarction (Heart Attack) – 445
- Pneumonia – 234
- Acute Respiratory Failure – 71
- Cerebrovascular Accident (Stroke) – 65
- Chronic Kidney Disease – 61
- Pulmonary Tuberculosis – 59
- Electrolyte Imbalance – 43
- Sepsis – 40
- Congestive Heart Failure – 35
- Anemia – 19
Ipinapakita ng datos na habang bumababa ang bilang ng pagkamatay dahil sa TB, mas dumarami naman ang kaso ng mga sakit sa puso at baga na nagiging pangunahing banta sa buhay ng mga nakakulong.
