

REINA MERCEDES, ISABELA – Pansamantalang nakalaya si Vice Mayor-elect Atty. Jeryll Harold Respicio matapos magpiyansa ngayong linggo, kasunod ng kanyang boluntaryong pagsuko sa Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 34 kaugnay ng kasong isinampa laban sa kanya ng Commission on Elections (COMELEC).
Ang kaso ay may kinalaman sa umano’y paglabag ni Respicio sa Article 154 ng Revised Penal Code sa relasyong sa Section 6 ng Cybercrime Prevention Act of 2012, matapos mag-post umano ng maling impormasyon sa kanyang social media account noong panahon ng kampanya.
Sa kanyang Facebook post, iginiit ni Respicio na may kakayahan siyang baguhin ang resulta ng 2025 midterm elections sa pamamagitan ng isang umano’y “backroom program” na kayang manipulahin ang bilang ng mga boto. Mariin itong pinabulaanan ng COMELEC at agad na naghain ng reklamo laban sa kanya noong Pebrero 28.
“Meron na pong pirmadong warrant ang Court sa Branch 34, kaya ako nag-voluntary surrender,” pahayag ni Respicio matapos magpiyansa.
Pinanindigan naman niya ang kanyang mga sinabi, aniya, “Hindi untrue yung sinabi ko na pwedeng ma-hack ang ating automated counting machines kapag connected sa internet. Sa totoo nga, sinunod naman ng Comelec ang aking suggestion. Gumawa nga sila ng policy na huwag i-connect ang mga makina sa internet noong araw ng election.”
Wala pang inilalabas na opisyal na pahayag ang COMELEC kaugnay sa pag-piyansa ni Respicio, ngunit tiniyak ng ahensya na patuloy nitong isusulong ang kaso bilang bahagi ng kanilang kampanya laban sa disimpormasyon.