Nagbabala si House Committee on Justice Chair Rep. Gerville Luistro na magiging malala ang problema kapag ito ay iniiwasan kaya dapat aniya na harapin ito ni Vice President Sara Duterte para mabigyan linaw ang seryosong alegasyon sa impeachment complaint sa halip na harangin ito sa pamamagitan ng teknikalidad.
“Kung uulitin natin ang cycle, iwas, teknikalidad, sino ang makapagsasabi na hindi na naman tayo babalik dito sa susunod na taon? Kaya ngayon, sagutin na, linawin na, tapusin na. Kapag nasagot, lahat tayo ay malilinawan,” saad ni Luistro sa pagsisimula ng clarificatory hearings sa reklamo laban sa pangalawang pangulo.
Paliwanag ni Luistro, isang abogado, mahalaga sa pagdinig ng Kamara na malaman kung mayroong probable cause at aniya ito ay both ways: Kung ang alegasyon ay walang basehan puwedeng madismiss ng panel ang reklamo kay Duterte.
“Puwede kaming tumuloy, ngunit tandan, puwede rin naming idismis ang kaso,” ayon sa kongresista.
Kung mayroong ebidensiya na maglilinis kay Duterte, kailangan ito ay iharap at dinggin.
Hindi rin ito sang-ayon sa argumento na nagsasabi na ang impeachment hearings ay hindi dapat prayoridad kaugnay ng suliranin ng bansa, kasama ang krisis sa gasolina.
“Marami tayong problema, totoo yan. Kaya kailangan itong harapin para umusad, para mabawasan, para matapos. Dahil ang problemang iniiwasan at tinatalikuran, lalong lumalaki, parang sugat na ayaw linisin. Habang pinapatagal, lalong lumalala,” ayon kay Luistro.
Ngunit ang mga alegasyon ay dapat na iharap sa tamang proseso hindi sa pamamagitan ng social media o pahayag sa media.
“Sa clarificatory hearing, dito dapat magpaliwanag. Kung handang humarap, dapat dito humarap. Matagal na nating naririnig. Handa raw, handa saan? Sa press statement, sa social media? Pero pagdating dito sa prosesong may saysay, nawawala,” ayon sa kongresista.
Dagdag pa nito na hindi sapat ang sabihing handa, kailangan magpakita, kailangan sumagot, kung walang kasalanan, simple lang magpakita, sumagot, hindi sa labas, kundi dito.
Hindi rin umano patungkol sa personalidad ang proseso kundi patungkol sa pananagutan at responsibilidad.
“Ang impeachment ay mekanismo ng publiko sa ilalim ng Saligang Batas para maging accountable ang mga opisyal ng pamahalaan,” ayon kay Luistro. (KARLO GARCIA)
