Pormal nang pumasok sa isang kasunduan ang Rustan Coffee Corporation (RCOC), ang authorized licensee ng Starbucks sa Pilipinas, at ang MPower na siyang local retail electricity supplier ng Meralco.
Layunin ng partnership na ito na magsuplay ng kuryente sa mga piling sangay ng Starbucks sa buong Metro Manila sa pamamagitan ng Retail Aggregation Program (RAP).
Sa ilalim ng kasunduan, pinagsama-sama ang animnapung (60) stores na may kabuuang demand na mahigit tatlong megawatts (MW).
Ang hakbang na ito ay inaasahang magdadala ng mas mataas na operational efficiency para sa tanyag na coffee chain, habang sinusuportahan ang kanilang mga layunin para sa mas matatag at sustainable na negosyo.
Ayon kay RCOC President Noey Lopez, ang pag-enroll ng Starbucks sa RAP na nagsimula noong Nobyembre 2025 ay nagbibigay-daan para sa cost optimization.
Binigyang-diin niya na sa gitna ng nagbabagong kapaligiran ng negosyo, mahalagang humanap ng paraan upang maging mas episyente ang operasyon, at katunayan ay nagsimula na silang makakita ng paunang tipid sa kanilang electricity costs.
Ang inisyatibong ito ay katuwang ng iba pang in-store practices ng RCOC para sa kalikasan, gaya ng paggamit ng 100% LED lighting, water-saving fixtures, energy-efficient na air-conditioning systems, at mas pinabuting waste management.
Ang mga hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na istratehiya ng kumpanya para sa sustainable growth.
Nagpahayag naman ng buong suporta si Meralco Senior Vice President at Head ng MPower na si Redel Domingo sa desisyon ng RCOC.
Ayon sa kanya, ang pag-pioneer ng Starbucks sa RAP sa loob ng food and beverage sector ay isang magandang ehemplo kung paano makikinabang ang mga kumpanyang may maraming pasilidad sa ilalim ng Retail Competition and Open Access (RCOA) framework.
Patuloy namang naninindigan ang MPower sa pagbibigay ng flexible na energy solutions para sa mas episyenteng operasyon ng mga negosyo sa bansa.
