Inilunsad ng Government Service Insurance System (GSIS) ang bago at ganap na digital na sistema para sa pag-file ng retirement at life insurance claims gamit ang GSIS Touch mobile app.
Sa bagong proseso, hindi na kailangan ng mag-reretirong mga miyembro na magsumite ng papel dahil ang ahensya na mismo ang magpapasa ng kanilang service record at ipa pang dokumento sa GSIS.
Alinsunod sa GSIS Memorandum Circular No. 068, s. 2025, kinakailangan isumite online ng government agencies ang service record, retirement date, at Leave Without Pay certification ng mag-reretirong kawani 20 araw bago ang mismong retirement date.
Ayon kay GSIS President and General Manager Wick Veloso, layunin ng sistema na pabilisin at pasimplehin ang proseso.
“Gusto naming maging worry-free ang pagre-retire ng miyembro. Kapag maaga at tama ang record na isinusumite ng ahensya, mas mabilis nating mavavalidate at mas mabilis nating mailalabas ang benepisyo,” ani Veloso.
Sa GSIS Touch app, maaaring mag-file ng retirement, separation, at life insurance claims ang inactive members gamit ang facial authentication. Makikita rin nila ang tentative computation ng kanilang benepisyo at real-time status ng kanilang claim sa Transaction Monitoring System.
Makakatanggap ang miyembro ng SMS o email kapag naayos na ang kanilang records at qualified na mag-claim ng claims. Ididiretso naman sa kanilang bank account ang approved benefits.
Bahagi ito ng “Ginhawa for All” program ng GSIS para gawing mas mabilis, simple, accessible ang serbisyo sa mga miyembro at pensiyonado.
Ang digital filing ay para lamang sa mga retiring under Republic Act No. 8291. (Mina Paderna)
