Naglaan ang Government Service Insurance System (GSIS) ng paunang ₱69.1 milyong loss reserves para sa mga iniulat na pinsala sa mga ari-arian ng gobyerno na nakaseguro sa kawanihan.
Ang hakbang na ito ay alinsunod sa utos ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para sa isang “whole-of-government” na pagtugon sa nagdaang magnitude 7.8 na lindol na niyanig ang ilang bahagi ng Mindanao. Layon ng GSIS na matulungan ang mga ahensya ng pamahalaan at mga local government unit (LGUs) na mabilis na makabangon at maibalik ang mga pampublikong serbisyo.
Ayon sa paunang ulat na isinumite sa GSIS, sakop ng pondo ang may 4,403 insurance policies na may kabuuang sum insured na nagkakahalaga ng ₱23.59 bilyon. Naitala sa General Santos City ang pinakamalaking konsentrasyon ng mga naapektuhang ari-arian ng gobyerno na may insurance.
Inihayag ni GSIS President and General Manager Wick Veloso na handa ang state insurer na umalalay sa mga apektadong sektor habang patuloy pa ang pagtatasa sa mga pinsala.
“Ipinapakita ng lindol na ito ang kritikal na papel ng insurance sa pagprotekta sa mga ari-arian ng gobyerno at sa pagtiyak ng kontinwidad ng serbisyo publiko. Hinihimok natin ang mga ahensya na regular na suriin ang kanilang coverage at asset valuations upang mas mabilis silang makabangon kapag may sakuna,” ani Veloso.
Bilang bahagi ng agarang aksyon, nagsagawa na ng on-site inspection ang GSIS General Santos Branch sa Mindanao State University–General Santos, sa Pamahalaang Lungsod ng General Santos, at sa Munisipalidad ng Alabel upang suriin ang lawak ng pinsala at gabayan ang mga opisyal sa mabilis na pagsusumite ng mga kailangang dokumento sa pag-claim.
Nilinaw naman ni Veloso na ang inilaang ₱69.1 milyong pondo ay maaari pang magbago o madagdagan depende sa mga susunod na ulat at field assessments na makukumpleto sa mga darating na araw.
Kasabay nito, pinaalalahanan ng opisyal ang mga institusyon na huwag tignan ang insurance bilang isang simpleng “compliance requirement” lamang, kundi bilang isang epektibong tool sa risk management upang hindi na mabaon sa utang o maging pabigat sa pampublikong pondo ang rekonstruksyon ng mga pasilidad matapos ang isang kalamidad.
