TINULDUKAN ni Sen. Grace Poe ang mga bulong-bulongan na papalitan niya si outgoing Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Alfredo Pascual.
Epektibo sa Biyernes, bababa na sa puwesto si Pacual upang bumalik sa pribadong sektor, ayon sa Malacañang kahapon.
Matapos ang pagbibitiw, umugong ang pangalan ni Poe na posibleng pumalit kay Pascual na agad naman niyang pinabulaanan. “Hindi totoo na ako ay kinausap ukol dito,” aniya.
Nang tanungin kung handa ba siya kung sa kanya ibibigay ang puwesto sa DTI, sagot ng senador: “Sa anumang paraan ako makakatulong ay pribelehiyo pero nais kong tutukan ang trabaho ko sa Senado.”
Bilang bagong pinuno ng Senate committee on finance, sinabi ni Poe na nakatutok siya upang matiyak na magiging maayos ang budget hearings.
Nakatakdang talakayin ng kanyang komite sa Agosto 13 ang panukalang P6.352-trillion national budget para sa 2025.
“Napakahalaga na ang mga pondong ilalaan sa susunod na taon ay tunay na makakatulong paga-anin ang buhay ng ating mga kababayan at hindi mawawaldas o masasayang ang kaban ng bayan,” dagdag niya.
Matatapos ang ikalawa at huling termino ni Poe sa Senado sa Hunyo 2025.
More Stories
Magtatag ng business permit at licensing office sa mga LGU para makaakit ng mamumuhunan – Gatchalian
₱152M TESDA negosyo kits hindi naipamahagi sa mga benepisyaryo
TRUST, APPROVAL RATINGS SA 4Q 2024 NI VP SARA, LUMAGAPAK – PULSE ASIA