MULING binanatan ni dating Senador Richard “Dick” Gordon si dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa pagsasabing “hindi kailanman mangyayari ang multibillion-peso Pharmally controversy kung wala siya.”
Sa panayam sa Super Radyo dzBB nitong Huwebes, sinabi ni Gordon na si Duterte umano ang “pasimuno at tagapagtanggol” ng kontrobersyal na Pharmally deal na nabunyag sa kasagsagan ng pandemya.
“It would never have happened if wala talagang pasimuno at ang pasimuno ay si [former] President Duterte. Siya ang nag-utos, siya ang nag-appoint, siya ang nagproteksyon, siya ang nananakot sa Senado noong iniimbestiga ‘yan, at siya ang nagpalipat ng pera kay Duque,” ani Gordon.
Si Gordon, na noo’y chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, ang nanguna sa imbestigasyon hinggil sa umano’y iregularidad at labis na mahal na pagbili ng medical supplies mula sa Pharmally Pharmaceutical Corporation noong 2020.
Umabot sa P4.4 bilyon ang halaga ng biniling personal protective equipment (PPE) at surgical face masks ng pamahalaan mula sa naturang kompanya, na noon ay inakusahan ng overpricing at kakulangan ng sapat na kapital para sa ganoong kontrata.
Ipinahayag ni Gordon ang kanyang suporta kay Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla, na kamakailan ay nagpasyang mul¬ing buksan at repasuhin ang kontrobersyal na Pharmally deal.
Ayon kay Gordon, panahon na upang mapanagot ang mga tunay na responsable sa anomalya, lalo’t bilyun-bilyong pisong pondo ng bayan ang pinag-uusapan.
“Hindi ito simpleng isyu ng kontrata. Isang malinaw na halimbawa ito ng kawalan ng pananagutan at pang-aabuso sa kapangyarihan habang nagdurusa ang taumbayan sa gitna ng pandemya,” dagdag pa ni Gordon.
