INIHAYAG ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na ibinalik ng kagawaran sa Office of the President ang P500 milyong “insertion” na isinama sa intelligence fund ng Philippine National Police (PNP) para sa fiscal year 2025.
Ginawa ni Remulla ang pahayag sa pagdinig ng Senate Committee on Finance nitong Huwebes, kaugnay ng deliberasyon sa P287.48-bilyong panukalang badyet ng DILG at mga attached agencies para sa susunod na taon.
Ayon kay Remulla, hindi alam ng DILG kung sino ang nagpasok ng nasabing pondo, ngunit binanggit niya na ito ay may kaugnayan umano sa isang indibidwal na “humiling ng 3,000 containers ng isda.”
Ang pahayag ay lumalabas na tumutukoy sa isyung dati nang binanggit ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., na nagsabing si resigned Ako Bicol Party-list Representative Zaldy Co ay umano’y nagmaneobra upang makakuha ng import permits para sa 3,000 container ng isda sa ilalim ng tatlong kompanyang konektado sa kanya.
“The P500 million that… was an insertion, which we turned over to the Office of the President. We didn’t use that P500 million. We did not ask for it, so I returned it,” pahayag ni Remulla sa pagtatanong ni Senator Sherwin Gatchalian, chairman ng Senate finance committee.
Ipinunto ni Gatchalian ang pagbaba ng intelligence fund ng PNP mula P1.3 bilyon (2025) tungo sa P800 milyon (2026), na nag-udyok sa tanong kung saan napunta ang naunang pondo.
Paliwanag ni Remulla, sinunod lamang ng PNP ang nakasaad sa National Expenditure Program (NEP) at hindi ang nasa General Appropriations Act (GAA), kaya hindi nila ginamit o inangkin ang naturang dagdag na P500 milyon.
Dagdag pa ng kalihim, malinaw na hindi humiling ang DILG o PNP ng naturang pondo, at agad nila itong ibinalik upang maiwasan ang anumang ispekulasyon ng iregularidad o “budget manipulation.”
