Patuloy ang Globe sa pag-level up ng kanilang network innovation matapos nitong ipatupad ang Free Space Optics (FSO), isang makabagong laser technology na kayang maghatid ng fiber-like internet speed kahit walang kable.
Sa pamamagitan ng Fiber Infrastructure and Network Services Inc. (FINSI), nakipagsanib-puwersa ang Globe sa Singapore-based Transcelestial Technologies upang i-roll out ang teknolohiyang ito sa buong bansa.
Layunin nitong palakasin ang broadband at 5G network ng kompanya, lalo na sa mga lugar na mahirap lagyan ng fiber lines.
Ang FSO ay gumagamit ng laser beams para magpadala ng data sa ere na mabilis, maaasahan, at madaling i-deploy. Perfect ito para sa hard-to-reach areas o mga komunidad na matagal nang naghihintay ng mabilis na internet.
Noong Agosto 2025, lumagda ang Globe at Transcelestial ng kasunduan para pabilisin ang paggamit ng wireless laser communication sa buong Pilipinas. Kabilang dito ang paggamit ng Transcelestial Centauri laser devices para sa last-mile connectivity, mobile backhaul, at event-based network needs.
Kasunod nito, pinag-aaralan din ng Globe ang Legolas long-distance laser links ng Transcelestial, na kayang magpadala ng data hanggang 15 kilometro, na isasailalim sa testing sa 2026.
Napatunayan na rin ang bisa ng teknolohiya sa mga pilot project sa Visayas at Mindanao, at sa malalaking event tulad ng sa Philippine Arena noong 2024, kung saan ginamit ito sa Globe Cell Site on Wheels para sa tuloy-tuloy at mabilis na koneksyon.
Ayon kay Gerhard P. Tan, Senior Director at Head of Technology Strategy and Innovations ng Globe, hindi na raw “pilot” o test phase lamang ang FSO.
“Free Space Optics is now one of our standard transport solutions,” ani Tan. “Sa tulong ng Transcelestial, mas mapapabilis naming madala ang high-speed internet sa mas maraming Pilipino.”
Bakit mahalaga ang FSO?
- Mas mabilis i-deploy kumpara sa fiber dahil hindi kailangan ng malalaking hukay o civil works
- Kayang magbigay ng multi-gigabit speeds tulad ng fiber
- Flexible at puwedeng gamitin sa liblib o underserved areas
Sa paggamit ng FSO bilang bahagi ng kanilang network roadmap, pinatutunayan ng Globe ang patuloy nitong pagsuporta sa digital inclusion, resilient infrastructure, at next-generation services tulad ng 5G, cloud computing, at smart cities.
Para sa karagdagang impormasyon, bisitahin ang www.globe.com.ph. (Mina Paderna)
