May 19, 2024

GINANG PINAGBABARIL SA NAVOTAS

Patay ang isang 50-anyos na ginang matapos barilin ng hindi kilalang suspek sa Navotas City, Sabado ng madaling araw.

Dead on the spot sanhi ng tinamong tama ng bala ang biktimang si Jenny Ladisla ng A. Cruz St., Brgy. Tangos South habang mabilis namang tumakas ang suspek sa hindi matukoy na direksyon matapos ang insidente.

Sa report ni PCpl Dandy Sargento kay Navotas police chief Col. Dexter Ollaging, dakong alas-12:45 ng madaling araw nang maganap ang insidente sa kahabaan ng 1617 A. Cruz St., Brgy. Tangos South.

Base sa pahayag sa pulisya ng saksing 24-anyos na misis, habang kausap niya ang kanyang kaibigan ilang kanto ang layo sa pinangyarihan ng insidente nang makita nila ang isang lalaki na nasa 5’5 ang taas, katamtaman ang katawan, nakasuot ng itim na jacket na may hood, itim na pantalon, tube face mask at walang suot sa paa na nagmamadaling dumaan patungo sa A. Cruz Street.

Kasunod nito, isang putok ng baril ang narinig hanggang sa makita na lamang ang biktima na duguan at walang buhay habang nakahandusay sa semento.

Walang narekober ang SOCO na basyo ng bala sa crime scene habang sa panayam ng pulisya sa live-in partner ng biktima na si Ramon Macavile, 56, sinabi niya na ang biktima ay umalis sa kanilang bahay dalawang araw na ang nakalipas matapos ang kanilang pagtatalo hinggil sa kanyang bisyo kaugnay sa ilegal na droga.

Patuloy naman ang follow-up imbestigasyon ng pulisya para sa posibleng pagkakilanlan at pagkakaaresto sa suspek habang inaalam pa ang motibo sa insidente.