Opisyal nang kinumpirma ni Gilas Pilipinas head coach Tim Cone na hindi makakasama sa roster ng pambansang koponan ang mga higanteng sina Kai Sotto at Quentin Millora-Brown para sa parating na Window 2 ng FIBA Basketball World Cup 2027 Asian Qualifiers.
Sa unang araw ng ensayo ng Gilas nitong Lunes, ipinaliwanag ni Cone na pinili ni Millora-Brown na huwag munang lumahok sa kampanya laban sa New Zealand at Australia matapos ang kanyang debut sa national team noong nakaraang window.
Sa kabilang banda, hindi rin isasabak ang 7-foot-3 na si Kai Sotto dahil nasa proseso pa ito ng pagpapanumbalik ng lakas matapos ang higit isang taong pagpapagaling mula sa pinsala sa kanyang ACL.
Aminado si Cone na malaking kawalan ang dalawa dahil sila ang nasa itaas ng listahan ng mga manlalarong nais nilang mapabilang sa koponan, ngunit binigyang-diin niya na wala silang kontrol sa desisyon o sitwasyon ng mga ito.
Ayon sa veteran coach, normal lamang sa anumang national team sa buong mundo na makaranas ng isyu sa unavailability ng mga players dahil wala silang sapat na “leverage” para pilitin ang mga ito na maglaro, hindi tulad sa mga professional clubs kung saan maaaring patawan ng suspensyon ang sahod ng isang manlalaro.
Dahil sa pagkawala nina Sotto at Millora-Brown, kasama na ang pagreretiro ni Japeth Aguilar sa national duty, muling tinawag sa pool si Justine Baltazar upang punan ang puwang sa frontline.
Sa kabila ng pagbabago sa direksyon ng laro at ang inaasahang paggamit ng mas “small ball” na lineup, nananatiling kumpiyansa si Cone na kaya pa rin ng Gilas na manalo laban sa mga powerhouse teams na New Zealand sa Pebrero 26 at Australia sa Marso 1.
Sa kasalukuyan, sina June Mar Fajardo at AJ Edu na lamang ang natitirang mga orihinal na big men sa roster na aasahan sa ilalim ng ring. Naniniwala ang coaching staff na sapat ang talento ng natitirang mga manlalaro upang makipagsabayan sa mga Oceania squads sa harap ng mga Pilipinong tagasuporta sa Mall of Asia Arena. (Ron Tolentino)
