Haharap sa isang matinding pagsubok ang Filipina tennis star na si Alex Eala sa pagpapatuloy ng Dubai Duty Free Tennis Championships matapos niyang makatapat sa second round ang dating kampeon na si Jasmine Paolini ng Italy.
Ang 20-anyos na World No. 40 na si Eala ay nakapasok sa ikalawang yugto matapos magretiro ang kanyang kalaban na si Hailey Baptiste dahil sa abdominal issue sa iskor na 6-4, 0-1, habang ang 30-anyos na World No. 8 na si Paolini ay galing naman sa isang first-round bye bilang tournament sixth seed.
Ito ang unang pagkakataon na magsasagupa sa loob ng court sina Eala at Paolini sa isang WTA 1000 event. Bitbit ni Paolini ang karanasan bilang dating kampeon ng Dubai trophy dalawang taon na ang nakararaan, bukod pa sa kanyang koleksyon na tatlong singles at sampung doubles titles.
Sa kabila nito, hindi na bago para kay Eala ang makaharap ang mga nasa Top 20 ng mundo dahil dati na niyang nakatunggali ang mga higante sa sport tulad nina Iga Swiatek, Jessica Pegula, at Coco Gauff sa kanyang batang karera.
Ang Dubai ang ikaanim na torneo ni Eala ngayong 2026 season sa kanyang patuloy na paghahangad para sa mailap na unang WTA Tour title.
Matapos ang kanyang mga kampanya sa Qatar, Abu Dhabi, Australian Open, at sa Philippine Women’s Open, tanging ang WTA 125 crown sa Guadalajara pa lamang ang kanyang hawak na pro title. Inaasahang magkakaharap ang dalawa ngayong Martes, oras sa Maynila, habang hinihintay pa ang opisyal na anunsyo para sa eksaktong oras ng kanilang laban. (Ron Tolentino)
