Isang karumal-dumal na krimen ang tumambad sa mga residente ng Binondo matapos matagpuan ang pira-pirasong katawan ng isang hindi pa nakikilalang lalaki na isinilid sa isang drum malapit sa Del Pan Bridge, Barangay 286, nitong Linggo ng gabi.
Ang biktima, na binalot sa plastic ang mga chop-chop na bahagi ng katawan, ay natuklasan sa loob ng isang asul na drum na naglalaman din ng mga bote ng red sauce o paste.
Nabatid sa ulat ng barangay na isang binatilyong nangangalakal ang unang nakakita sa biktima matapos siyang bayaran ng isang lalaking sakay ng utility van ng halagang 180 pesos para lamang ipatapon ang nasabing drum.
Sa pag-aakalang basura o kalakal lamang ang laman nito, isinakay ng binatilyo ang drum sa kanyang kariton at itinulak pababa ng tulay, ngunit laking gulat at takot niya nang buksan ito at makita ang putol-putol na katawan ng tao.
Sa isinagawang pagsusuri ng mga tauhan ng Manila Police District (MPD), nakita ang mga bakas ng lubid sa mga putol na braso at paa ng biktima, na nagpapahiwatig na posibleng itinali muna ito bago pinatay.
Nakita rin sa drum ang isang label na nagpapakitang galing ito sa Indonesia at may manufacturing date na November 20, 2025.
Sa kasalukuyan, patuloy pang inaalam ng mga awtoridad ang pagkakakilanlan ng biktima at tinutugis ang suspek na nagmamaneho ng utility van habang nananawagan ang barangay sa sinumang may impormasyon na agad makipag-ugnayan sa kapulisan.
