Iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian ang pangangailangan para sa isang strategic petroleum reserve at mas mahigpit na pagbubunyag ng detalye sa pagpepresyo ng langis upang protektahan ang mga mamimili mula sa pabago-bagong presyo ng petrolyo sa pandaigdigang merkado.
Sa ginanap na forum sa Kapihan sa Manila Bay nitong Miyerkules, Mayo 6, ipinaliwanag ni Gatchalian na ang pagkakaroon ng imbentaryo ng langis sa ilalim ng pamamahala ng gobyerno ay makakatulong sa pagpapanatili ng katatagan ng presyo sa bansa tuwing may krisis sa suplay.
Layon ng imbentaryong ito na magsilbing tulay o “bridge the gap” sa mga panahon ng emergency o biglaang pagtaas ng presyo.
Ayon sa senador, ang ganitong mekanismo ay kritikal para sa mga sektor ng transportasyon at lohistika na siyang unang tinatamaan ng oil price hike.
“Pwedeng pumasok ang gobyerno sa tinatawag nating strategic petroleum reserve o inventory… para mag-bridge ng gap,” ani Gatchalian.
Bukod sa reserba, nanawagan din si Gatchalian na muling obligahin ang mga kompanya ng langis na magsumite ng detalyadong ulat ng kanilang gastusin sa gobyerno.
Kabilang dito ang import prices, freight charges (bayad sa kargamento) at profit margins (kita).
Iginiit ng senador na “bulag” ang gobyerno sa pagpepresyo ng langis dahil hindi nito maberipika kung makatwiran ang bawat dagdag-presyo sa mga gasolinahan.
Ang mas mahigpit na monitoring ay hindi nangangahulugan ng pag-abandona sa Oil Deregulation Law, kundi pagtitiyak lamang na may balanse at proteksyon ang publiko.
Samantala, muling binuhay ni Senate President Vicente Sotto III ang panawagang rebisahin o tuluyang ibasura ang Republic Act No. 8479 o Oil Deregulation Law.
Isinusulong ni Sotto ang Philippine Strategic Petroleum Reserve Act na naglalayong lumikha ng pambansang imbakan ng langis.
Ang hakbang na ito ay bahagi ng mas malawak na pagsisikap ng Senado na patatagin ang seguridad sa enerhiya ng bansa at bawasan ang pagiging vulnerable ng Pilipinas sa anumang krisis sa suplay ng langis sa labas ng bansa.
