BINATIKOS ni Senator Sherwin Gatchalian ang Department of Public Works and Highways (DPWH) dahil sa umano’y P271 bilyong halaga ng mga kahina-hinalang proyekto sa binagong 2026 budget proposal ng ahensya.
Sa deliberasyon ng Senado noong Lunes, Oktubre 20, sinabi ni Gatchalian na kabilang sa mga “red flags” ang mga proyektong walang malinaw na lokasyon o station numbers, 40 duplicated projects na nagkakahalaga ng P1.099 bilyon, 42 proyektong hinati-hati sa iba’t ibang phase na aabot sa P2.7 bilyon, at mahigit 9,600 proyekto na muling lumitaw sa 2026 National Expenditure Program (NEP) mula pa sa 2025 budget.
Bagama’t pinuri ng senador ang DPWH sa pagtanggal ng ilang duplicated projects, iginiit niyang dapat ipaliwanag ng ahensya kung bakit patuloy na lumalabas ang mga kaparehong proyekto sa bagong budget proposal.
Ayon kay DPWH Secretary Vince Dizon, sisiyasatin at kukumpletuhin ng ahensya ang mga kulang sa detalye at technical data, at sumang-ayon din siyang alisin ang mga doblado at hinating proyekto.
Samantala, ibinunyag din ni Gatchalian na may ilang proyekto ang tila labis ang presyo batay sa kanilang random sampling. Sa pagsusuri ng kanyang opisina gamit ang datos mula sa Council of Engineering Consultants of the Philippines (CECOPHIL), may mga proyektong ang presyo ng DPWH ay umabot sa P200 milyon, samantalang ang independent estimate ng CECOPHIL ay P13.3 milyon lamang.
Ipinaliwanag naman ni Dizon na ang ilan sa mga mataas na halaga ay dulot ng pagtaas ng presyo ng construction materials. Hiniling ni Gatchalian sa DPWH na magsumite ng updated materials price index at standard unit-price analysis upang mapanatili ang transparency sa paggamit ng pondo.
Matatandaang inutusan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang DPWH na repasuhin ang budget nito matapos matukoy ang mga isyung kaugnay ng flood control projects.
Dahil dito, tinapyasan ng ahensya ang P252 bilyong flood control projects at nagbawas pa ng P3 bilyon sa mga doblado at overlapping na item, dahilan para bumaba ang panukalang budget sa P625.8 bilyon, na kalaunan ay inaprubahan ng Kamara. (MINA PADERNA)
