AJ MANAS (Photo credit: Matchroom Pool/FB)
Muling pinatunayan ng 19-anyos na billiard prodigy na si AJ Manas na hindi siya basta-basta, matapos niyang buhatin ang Team Asia sa 11-3 na panalo kontra Team Rest of the World sa Reyes Cup 2025 sa Ninoy Aquino Stadium nitong Linggo, Oktubre 19.
Sa kabila ng mga kumukuwestyon sa kanyang pagkakapili, sumagot sa laro si Manas, bumida sa huling laban kasama si Carlo Biado, kung saan dinispatsa nila sina Fedor Gorst ng Amerika at Moritz Neuhausen ng Germany, 5-2.
“Hayaan ko na lang sila, basta gagawin ko ‘yung best ko,” wika ni Manas bago ang torneo at tinupad nga niya ito nang buong yabang at puso.
Dahil sa kanyang matinding performance mula umpisa hanggang dulo, itinanghal si Manas bilang Most Valuable Player (MVP) ng torneo, isang panibagong karangalan para sa kabataang Pinoy na ngayon ay tinitingala na sa international billiards scene.
“Dream come true talaga ‘to. Gusto ko lang patunayan na belong ako rito, at ngayon, nagawa ko ‘yon,” sabi ni Manas.
Maging si Francisco ‘Django’ Bustamante, captain ng Team Asia, saludo sa binatilyo.
“The kid is something special. We showed the world that Asia can’t be stopped.”Saksi rin sa tagumpay si Efren ‘Bata’ Reyes, inspirasyon ng torneo, na tuwang-tuwang nakiisa sa selebrasyon. (RON TOLENTINO)
