Photo Credit: Laguna Greywolves Pencak Silat/FB)
UMANGAT ang bandera ng Pilipinas sa Asian Youth Games 2025 matapos pumasok sa semifinals ng Pencak Silat si Kram Airam Carpio, habang nagtagumpay naman ang Alas Pilipinas U-18 girls volleyball team laban sa South Korea nitong Linggo, Oktubre 19, sa Bahrain.
Si Carpio, ipinagmamalaki ng Santa Cruz, Laguna, ay nagpakitang-gilas sa Exhibition World Bahrain Hall One matapos talunin ang India’s Sakshi sa girls’ 51-55kg division upang makapasok sa Final Four.
Bago ito, pinabagsak din niya ang Iranian bet Nazninfatemeh Kolasangiani, 36-22, sa Round of 16. Si Carpio ay silver medalist din sa Asian Pencak Silat Championships nitong Hulyo sa Vietnam.
Samantala, sa volleyball, nagpasabog ng husay at tapang ang Alas Pilipinas U-18 matapos daigin ang South Korea, 25-21, 19-25, 25-22, 22-25, 15-10, sa Isa Sports City sa Riffa.
Pinangunahan ni Samantha Cantada, bagong transferee mula National University, ang pambato ng Pilipinas, katuwang sina Rhose Almendralejo at Harlyn Serneche, para itala ang makapigil-hiningang panalo.
Kasama rin sa koponan sina Adeleine Agustin, Micaella Gould, Atasha Anne Doroja, Denesse Daylisan, Raine Gabrielle Alonzo, Rihanna Cris Navarro, at Diza Marie Berayo.
Sunod nilang makakaharap ang Thailand sa Pool D play ngayong Martes.
Hindi naman pinalad ang ibang Pinoy sa Pencak Silat at Kurash events, natalo si Jelou Eluna kay Muhammad Raqib Darwisy ng Malaysia, 40-13, habang sina Syrine Mae Bacani at Elijah Mendoza ay parehong nabigo sa kani-kanilang laban sa mga Iranian at Tajikistan competitors. (RON TOLENTINO)
