PINARANGALAN ng House of Representatives, sa pangunguna ng Senior Citizens Party-list, si G. Edgardo Vazquez, isang batikang imbentor, bilang isa sa mga “Exemplary Senior Citizens 2025” sa ginanap na 2nd Gawad Parangal for Exemplary Senior Citizen noong Oktubre 15, 2025 sa MICE Event Center, Quezon City.
Ang nasabing parangal ay bahagi ng Elderly Filipino Month na may temang “Embracing Age: Living a Life with Dignity and Purpose.” Layunin nitong ipakita ang pagpapahalaga sa mga nakatatanda bilang haligi ng lipunan at inspirasyon ng mga susunod na henerasyon.
Si Vazquez ay kinilala sa kanyang makabagong imbensyon sa modular housing system na tinawag na Vazbuilt, isang prefabricated na teknolohiya na nagbigay-daan sa mas abordable at disaster-resilient housing sa bansa. Dahil dito, libu-libong yunit ng pabahay at bakod ang naipatayo gamit ang teknolohiyang Pilipino.
Bukod sa pabahay, pinalawak din ni Vazquez ang kanyang inobasyon sa misting-cooling systems at waste-to-ash technologies, na nagpapakita ng pagsasanib ng agham, kapaligiran, at malasakit sa komunidad.
Hindi lamang siya imbentor kundi isa ring may-akda at tagapagtaguyod ng preventive health at accessible technologies para sa mga mamamayan. Ang kanyang dedikasyon sa serbisyo at inobasyon ay patunay na ang mga senior citizen ay patuloy na maaring maging makabagong tagapagbago at inspirasyon sa lipunan.
Ang Gawad Parangal for Exemplary Senior Citizen ay taunang programa ng Senior Citizens Party-list upang kilalanin ang mga Pilipinong nakatatanda na nagbigay ng malaking ambag sa bansa sa larangan ng agham, sining, serbisyo publiko, at komunidad. (MINA PADERNA)
