KIKO PANGILINAN
ISINIWALAT ni Senador Francis “Kiko” Pangilinan na may sabwatan umano sa pagitan ng mga Chinese smugglers, ilang opisyal at empleyado ng pamahalaan, at mga lokal na negosyante sa pagpuslit ng milyon-milyong pisong halaga ng misdeclared agricultural goods sa bansa.
Sa pagdinig ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform nitong Lunes, Oktubre 20, sinabi ni Pangilinan na pinapayagan umano ng mga tiwaling tauhan mula sa Bureau of Customs (BOC), National Bureau of Investigation (NBI), Philippine National Police (PNP), Department of Agriculture (DA), Department of Justice (DOJ), at Bureau of Immigration (BI) ang operasyon ng mga smuggler.
“Unti-unting nabubunyag ang bulok na sistema kung saan mga dummy consignee at insiders nagsasabwatan kasama ang ilang mga opisyal ng Customs, at posible rin taga-DA,” ayon kay Pangilinan.
Ayon sa senador, ang mga nakukumpiskang shipment ng mga misdeclared goods mula China gaya ng puti at pulang sibuyas at frozen mackerel na tila “pakitang-tao lamang” upang magmukhang may ginagawang aksyon ang mga awtoridad, habang ang mga “big-time smuggler” ay nananatiling ligtas sa kaso ng economic sabotage, na isang non-bailable offense sa ilalim ng Anti-Agricultural Economic Sabotage Act na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Setyembre 2024.
Pinangalanan ni Pangilinan ang anim na kumpanyang Chinese na umano’y sangkot sa pagpupuslit ng misdeclared goods sa bansa kabilang ang Hangzhou Yina Import and Export Co.; Hangzhou Zaiqi Import and Export Co.; Hangzhou Chengxi Import and Export; Hangzhou Dingyue Technology Co. Ltd.; Shenzhen Deyangjia Industrial; at Guangzhou Yanyuxin Trade Co. Ltd.
Matatandaan na noong Hulyo, sinabi ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr. na magsasagawa ang DA ng risk assessment sa mga kargamentong mula sa China matapos masamsam ng Customs ang mga container ng smuggled onions at frozen mackerel na idineklarang mantou, egg noodles, at kimchi.
Mula Enero 2024 hanggang Hulyo 2025, nakapagsagawa umano ang DA ng 182 anti-smuggling operations na nagresulta sa pagkakasamsam ng P3.78 bilyong halaga ng iligal na agricultural at fishery products.
Gayunman, nilinaw ng DA na wala itong enforcement authority at tanging blacklisting lamang ng mga importer ang magagawa nito.
Dagdag ni Pangilinan, ang ganitong modus ng maling deklarasyon ng agricultural products bilang regular na food items ay ginagamit upang makaiwas sa mas mahigpit na regulasyon at inspeksyon ng gobyerno. (ARNOLD PAJARON JR)
