Laya na pansamantala ang vlogger na si Norman Mangusin, na mas kilala sa pangalang “Francis Leo Marcos,” matapos itong magpiyansa ngayong Sabado kaugnay ng kasong unjust vexation.
Kinumpirma ni Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera na nakatanggap ang Parañaque City Jail Male Dormitory ng court order bandang alas-4 ng hapon na nag-uutos sa pagpapalaya kay Mangusin. Ipinaliwanag ni Bustinera na naging posible ang pagproseso ng piyansa kahit Sabado dahil mayroong weekend court ang Parañaque.
Gayunpaman, nilinaw ng BJMP na hindi pa abswelto si Mangusin sa kanyang mga kinakaharap na sakdal. Ang kanyang pansamantalang kalayaan ay paraan lamang upang makalabas habang hinihintay ang arraignment at pre-trial na nakatakda sa Marso 2, alas-10 ng umaga, sa Parañaque Regional Trial Court Branch 294.
Sa kabila ng kanyang paglaya, nahaharap muli sa panibagong bugso ng mga reklamo si Mangusin. Inanunsyo nina National Police Commission (NAPOLCOM) Vice Chairperson Rafael Calinisan at Land Transportation Office (LTO) Chief Markus Lacanilao na maghahain sila ng hiwalay na mga reklamong kriminal (unjust vexation) laban sa vlogger sa Quezon City Hall sa Martes ng umaga.
Ayon kay Calinisan, ang hakbang na ito ay hindi personal kundi kontribusyon para sa katarungan at upang protektahan ang publiko gayundin ang mga institusyon ng gobyerno mula sa mga aktibidad ni Mangusin.
