Kalunos-lunos ang sinapit ng dalawang menor de edad matapos matagpuang wala nang buhay at tadtad ng saksak sa loob ng Old Cemetery sa Sitio Namay, Brgy. San Juan, Morong, Rizal hapon nitong Linggo, Marso 1, 2026.
Kinilala ng Morong Municipal Police Station (MPS) ang mga biktima na sina Russel Ignacio Hernandez, 12-anyos, at Rhea Jane Pines Tayaban, 13-anyos, na parehong residente ng Brgy. Maybancal.
Natagpuan ang mga bangkay bandang alas-5:40 ng hapon matapos makatanggap ng tawag ang pulisya mula sa isang reportee. Ayon sa imbestigasyon, huling nakitang buhay ang dalawang bata sa isang computer shop sa Sitio Sagbat. Dahil hindi nakauwi sa tamang oras, agad na naghanap ang mga magulang hanggang sa tumungo na sa himpilan ng pulisya para humingi ng saklolo.
Sa mabilis na follow-up operation ng mga awtoridad, naaresto bandang alas-8:00 ng gabi ang isang 18-anyos na lalaki na kapitbahay at pinsang buo pa mismo ng babaeng biktima.
Ayon kay Police Major Rabano, nagkunwari pang tumutulong ang suspek sa paghahanap sa mga bata.
Gayunpaman, nabisto ang krimen nang mapansin ng imbestigador ang mga sugat at bakas ng dugo sa kamay nito. Kalaunan ay umamin din ang suspek at itinuro kung saan itinapon ang ginamit na kutsilyo.
Lumalabas sa imbestigasyon na niyaya ng suspek ang mga biktima sa sementeryo upang “damayan” siya matapos itong mabigo o ma-busted sa panliligaw sa ibang babae.
“Nandilim daw ang paningin niya dahil sa kalasingan at may nasabi ang mga biktima na hindi niya nagustuhan habang nag-uusap sila,” saad ng pulisya.
Ayon naman sa tiyahin ni Russel, tinutukan umano ng kutsilyo ang bata para lamang mapuwersang sumama sa sementeryo.
Matinding pighati ang nararamdam ngayon ng mga magulang ng mga biktima. Hindi matanggap ni Roma Tabayan, ina ni Rhea Jane, na ang sariling kamag-anak ang kumitil sa buhay ng kanyang panganay na anak.
“Kahit pamangkin ko, hindi makatao yung ginawa niya sa pinsan niyang buo,” aniya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng Morong MPS ang suspek na nahaharap sa kaukulang mga kaso, habang isinasailalim naman sa autopsy ang mga labi ng dalawang bata upang matukoy ang eksaktong sanhi ng kanilang pagkamatay.
