Screenshot mula sa video ng Bombo Radyo
USAP-USAPAN ngayon ang dating hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Nicolas Torre III matapos siyang magpakita sa oath-taking event ng Liberal Party (LP) nitong Biyernes, Oktubre 2.
Kaya’t ang tanong ng mga netizens, tatakbo ba siya sa 2028?
Ang nasabing pagtitipon ay idinaos para sa panunumpa ng 200 bagong miyembro ng partido, na kasalukuyang pinangungunahan ni Erin Tañada bilang acting president.
Sa gitna ng muling pagsigla ng LP, dumating si Torre, ang pulis na naging laman ng balita dahil sa mga high-profile arrests, kabilang ang isang kilalang “doomsday preacher” at isang dating pangulo ng bansa.
Ngunit agad nilinaw ni Torre na hindi siya miyembro ng partido.
“Unang-una, hindi ako puwedeng mag-miyembro ng isang partidong pulitikal dahil ako’y isang active na pulis,” paliwanag niya sa mga mamamahayag.
Ayon sa kanya, imbitado lamang siya sa okasyon at pumunta para “makita at ma-obserbahan” ang mga adbokasiya ng partido.
“Sabi ko, sige nga, maka-attend nga, matingnan, mapanood, at ma-obserbahan kung ano ang inyong mga adbokasiya,” aniya.
Sa parehong event, inanyayahan din ni Torre ang mga miyembro ng LP na sumali sa fun run kontra sa mga ‘bullies’ na kanyang inorganisa sa darating na Nobyembre.
Biro pa niya, “X-deal” daw ang pagdalo niya, kapalit ng pagkakataong i-promote ang kanyang fun run.
Matatandaang naging viral si Torre noong Hulyo matapos tumakbo ng 10 laps sa ulan sa Camp Crame bilang simbolikong hakbang laban sa “bullying” sa loob ng organisasyon.
Samantala, sinasamantala ng Liberal Party ang pagkakataon upang palakasin muli ang kanilang hanay matapos ang serye ng pagkatalo sa nakaraang mga halalan.
Sa gitna ng mga isyu ng katiwalian sa kasalukuyang administrasyon, muling binuhay ng partido ang dating islogang nagpasikat kay dating Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III na “Kung walang korap, walang mahirap.”
Sa kanyang talumpati, binigyang-diin ni Erin Tañada na panahon na para magtulungan at bumangon muli ang partido.
“We meet here not only to remember the victories of the past but to prepare for the work ahead,” aniya.
Tinanong naman si Senador Kiko Pangilinan kung may papel ba si Torre sa hinaharap ng partido.
“Nagpapasalamat kami na dumalo siya,” sagot ni Pangilinan. “Tingnan natin.”
Sa tanong kung tatakbo ba siya sa 2028, ngumiti lamang si Torre at sinabing,
“Tatakbo ako — sa fun run sa Laguna. Takbo laban sa mga bullies.”
Kung biro man o pa-teaser, hindi malinaw. Pero isang bagay ang tiyak, muling napako sa kanya ang atensyon ng publiko, at maaaring ito na ang unang hakbang patungo sa mas malawak na ambisyon.
