Hinatulan ng Sandiganbayan si dating LTFRB Executive Director Samuel Jardin ng 6 hanggang 10 taon sa kulungan at perpetual disqualification sa public office matapos mapatunayang tumanggap ng P4.6 milyon para pabilisin ang pag-isyu ng permit sa pampasaherong sasakyan.
Batay sa kaso na isinampa noong 2023, inakusahan si Jardin na tumanggap ng pera mula kay Michelle Sapangila noong 2019 para mapalabas ang Certificate of Public Convenience (CPC) o Route Measured Capacity (RMC) na saklaw ang 32 van.
Ayon sa 88-pahinang desisyon ng Sandiganbayan, mas kapani-paniwala ang pahayag ni Sapangila kaysa sa pagtanggi ni Jardin. “The Court also finds that the defense of denial raised by accused Jardin is not believable and not worthy of credence,” pahayag ng korte.
Itinanggi ni Jardin na kilala niya ang taong ginamit ni Sapangila para lapitan siya, ngunit lumabas na principal sponsor ang nasabing tao sa kasal ni Jardin noong 1989. Pinakita rin sa korte ang CCTV footage ng kanilang pagpupulong, bagama’t wala sa recordings ang mismong pagtanggap ng P4.5 milyon sa opisina ni Jardin.
Suspendido at kalaunan ay dinala sa dismissal ng Office of the Ombudsman si Jardin noong 2020 dahil sa grave misconduct. Iniutos din ng korte na isauli ang buong P4.6 milyon na natanggap mula kay Sapangila. LIMUEL TOLENTINO
