NAKATAKDA ngayong 19 Agosto 2025 Martes ang paggunita sa ika-147 anibersaryo ng kapanganakan ni MANUEL LUIS QUEZON (1878-1944). Nakatakda ang seremonya sa iba’t ibang pangunahing pook at bantayog ng dating pangulo kabilang na ang Pambansang Pang-alaalang Dambana ni Quezon sa Quezon Memorial Circle, Lungsod Quezon; at sa Kapitolyo ng Baler, Aurora at Lucena, Quezon. Ang gawain ay alinsunod sa Batas Republika Blg. 6741, t. 1989 na pangungunahan ng Lokal na Pamahalaang Panlalawigan at Panlungsod, Pambansang Komisyong Pangkasaysayan ng Pilipinas (National Historical Commission of the Philippines o NHCP, itinatag 1933), Komisyon sa Wikang Filipino (KWF itinatag 1936, nireporma 1991), mga kaugnay na tanggapan ng pamahalaan, mga pribadong sektor, at mga samahang kumikilala kay Quezon.

Ang kanyang kaarawan ay kaalinsabay sa pagdiriwang ng Buwan ng Wikang Pambansa 2025 na may temang “Paglinang sa Filipino at Katutubong Wika: Makasaysayan sa Pagkakaisa ng Bansa”.
Lingid sa kaalaman ng lahat ay maraming talento si Pangulong Quezon. Mahusay siyang magpiano. Minsan na rin niyang tinuruan ang isang grupo ng orchestra upang malaman ang tamang pagtugtog sa ‘Lupang Hinirang’. Kilala din ang pangulo bilang mahusay sa paglaro ng card. Marami ang nagsasabi na isa si Quezon sa pinakamahusay sa paglalaro ng poker ng kanyang henerasyon.
Sa kanyang termino sumiklab ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Dito magsisimula ang pambihirang kuwento buhay ni MLQ.
Maraming mga artikulo ang naitala tungkol sa mahaba at madugong digmaan na ang pangunahing kalaban ay si Adolf Hitler (1889-1945). Noong 1933 ay dahan-dahan nang pinangangasiwaan ni Hitler ang Germany at ang buong Europa kontra sa kanyang pinakaayaw niyang grupo ng mga tao – ang mga Hudyo. Para kay Hitler at sa Partidong NAZI, mapanlinlang ang mga Hudyo at ito ang ipinalabas nila sa mga tao. Noong 1935 ay nawalan ng citizenship ang mga Hudyo sa Germany at dahan-dahan silang inaalisan ng mga karapatang pantao. Noong 1938 ay mas malaki at mas matindi ang ginawa ni Hitler sa mga Hudyo. Pinasok ng mga NAZI ang mga bahay at gusali ng mga Hudyo at pinasabog. Libo-libong mga negosyo na pag-aari ng mga Hudyo ang sinira, at mahigit sa 10,000 Hudyo ang sapilitang dinala ng mga NAZI sa mga concentration camps. Marami sa kanila ang pinahirapan, namatay, at pinatay. Sa dami ng mga salaming nabasag na nagkalat sa kalsada, tila naging mga kristal na kumikinang na nakilala nilang ‘Kristallnacht’ o ‘The Night of the Broken Glass’.
Maraming mga bansa ang nagpakita ng pagkadismaya at galit kay Hitler at sa Partidong NAZI. Kabilang na ang mga bansang United Kingdom at United States, subalit wala sa kanila ang nagbukas ng pintuan upang kalingain ang mga inaping Hudyo na kailangang tumakas sa Germany. Sa lahat ng mga bansa sa mundo, isa lamang ang handang tumanggap na kupkupin ang mga Hudyong refugees, ang Pilipinas sa pamununo ni Pangulong Quezon.
Tumulong ang Pilipinas sa mga kaawa-awang refugees. Isang taon bago maganap ang Kristallnact ay nagplano na si Quezon at ang kanyang mga kaalyado na makatulong. Naganap ang pagpaplano habang naglalaro sila ng poker. Kasama sa paglalaro sina Paul V. Mcnutt (1891-1955), US Commissioner to the Philippines; Dwight D.
Eisenhower (1890-1969), Army Colonel at magiging pangulo ng US sa hinaharap (1953-61); at limang cigar makers, ang Frieders Brothers. Ang magkakapatid na Frieders ay mga Hudyong manufacturers na nakatira na sa Pilipinas. Nagtungo sila sa Pilipinas dahil marami sa mga tobacco na ginagamit sa mga sigarilyo ay galing sa bansa, at lumipat na upang sila na mismo ang magmanufacture. Dahil sa hilig ni Quezon sa sigarilyo at larong poker ay nakilala niya ang magkakapatid na Frieders. Isa sa kanila ang nagsabi sa pangulo tungkol sa plano ni Hitler sa mga Hudyo, at doon sila nagplano ng paraan upang makatulong.

Maraming nakaharap na problema ang grupo dahil hindi sinuportahan ng Estados Unidos ang kanyang disisyon, at marami sa oposisyon ang kinontra ito. Hindi rin maaaring maging public charge ang mga refugees na papasok sa bansa. Kailangang mayroon silang working visa upang makapagtrabaho sa Pilipinas. Upang matiyak ay gumawa ng listahan ang Frieders Brothers at si Pangulong Quezon ng mga trabahong maaaring aplayan at pasukan ng mga refugees na papasok. Ang mabibigyan lamang ng visa ay ang mga refugees na may specific skills upang makapagtrabaho sa bansa. Bilang ang mga naunang Hudyo na refugees sa bansa, at isa sa mga naging pinuno ng mga komunidad ng Hudyo ay napagkasunduang tutulungan ni Pangulong Quezon at Frieders Brothers ang lahat ng mga Hudyong papasok sa bansa. Sa huli ay humigitkumulang sa 1,300 mga Hudyo ang nakatakas mula sa kamay ni Hitler papunta sa Pilipinas.
Kakaunti lamang ang nakababatid sa kuwentong ito, subalit marahil ay panahon na upang kilalanin at pasalamatan si Pangulong Manuel Quezon ang nag-iisang pinuno ng isang bansa na nagbukas ng kanyang pintuan para sa mga Hudyong refugees.
Noong 01 Agosto 2013 Huwebes ay binigyan ng papuri si Pangulong Quezon ni US House of Representatives Alan Mark Grayson ng Florida kaugnay sa First Session ng 113th Congress. Ayon kay Grayson, “He saved lives of 1,305 Jews by allowing them entry into the Philippines and would have saved thousands more had the US State Department had allowed its commonwealth to do so. I hope that this story human generosity and duty to help those in peril may find an audience among the U.S. public so we can appreciate the ingenuity and heroic risks taken by Manuel Quezon to protect victims of the Holocaust.”
Mula sa buong pamunuan ng Agila ng Bayan ay Pagbati ng Maligayang Kaarawan Pangulong Manuel L. Quezon!
