Hindi man lang kinabahan o nabigla ang Italian head coach ng Nxled Chameleons na si Ettore Guidetti nang malaman niyang dagsa ang mga kampeon mula sa Petro Gazz na mapapasailalim sa kanyang paggabay ngayong 2026.
Habang ang ibang coach ay posibleng mahirapan sa pagbabalanse ng mga “stars” sa loob ng isang sistema, para sa 51-anyos na si Guidetti, ito ay pamilyar na teritoryo na.
Bitbit ang 32 taon na karanasan sa propesyonal na pagtuturo ng volleyball, binigyang-diin ni Guidetti na hindi na bago sa kanya ang paghawak ng mga malalaking pangalan. Nagsimula siya sa edad na 19 at hanggang ngayong mag-lilimampu’t dalawa na siya, marami na siyang “superteams” na naisalang sa disiplina.
“Mine is probably the longest career of coaching here in the Philippines. I am in my 32nd year of professional career. I started coaching at 19. Right now I’m turning 52. It’s a long, long travel,” pahayag ni Guidetti matapos ang panalo ng Nxled laban sa Farm Fresh nitong Martes, Pebrero 3, 2026.
Sa ilalim ng kanyang pamumuno, nakuha ng Nxled ang mga premyadong manlalaro gaya nina Brooke Van Sickle, Myla Pablo, at MJ Phillips. Para kay Guidetti, ang pag-absorb sa isang championship core ay malayo sa pagiging nakakatakot.
Ibinahagi rin niya na bago pa man mapunta sa Pilipinas, nakahawak na siya ng mga world-class players gaya nina Isabelle Haak, Tatyana Menshova, at Diana-Ramona Marc. Dahil dito, alam na niya ang timpla kung paano patatakbuhin ang isang koponang puno ng talento nang hindi sinasakripisyo ang istruktura at disiplina.
“I na-coach ko na ang mga super big players… alam ko na kung paano i-manage ang ganitong mga sitwasyon,” dagdag pa ng Nxled mentor.
Sa kabila ng ilang paghihirap ng koponan sa mga nakaraang kumperensya, kumpiyansa si Guidetti na ang kanyang “Italian style” at mahabang karanasan ang mag-aangat sa Chameleons sa tuktok ng PVL. (Ron Tolentino)
