Hindi maitago ni Calvin “The Beast” Abueva ang kanyang katuwaan matapos pormal na maaprubahan ang blockbuster trade na nagluklok sa kanya sa koponan ng Converge nitong Martes.
Sa isang maikling Facebook live sa kanyang opisyal na account, ipinakita ng 37-anyos na beterano ang kanyang excitement sa bagong kabanata ng kanyang karera matapos ang naging stint sa Titan Ultra.
Ang palitang ito ay naganap matapos ang matinding hiling ni Abueva na ma-trade kahit pa nagpakitang-gilas siya sa kanyang debut conference kasama ang Titan Ultra.
Nakuha ng Converge si Abueva kapalit ang tatlong manlalaro na sina Rey Suerte, King Carilipio, at ang rookie na si Mark Denver Omega. Dahil sa trade na ito, muling magsasama ang 14-year veteran at ang kanyang matagal nang benefactor na si Pampanga Vice Governor Dennis “Delta” Pineda, na kasalukuyang tumatayo bilang head coach ng Converge.
“Tingnan niyo ang mangyayari,” hamon ni Abueva sa kanyang mga tapat na tagahanga. “Gawin mong proud ang sarili mo. ‘Yun lang guys. Thank you sa suporta. See you on the court.”
Inaasahang magbibigay ng bagong bagsik at enerhiya si Abueva sa FiberXers sa darating na Commissioner’s Cup.
Para sa maraming analyst, ang muling pagsasama nina Pineda at Abueva ay isang estratehikong hakbang para sa Converge, dahil kilala ang dalawa sa kanilang matibay na ugnayan mula pa sa mga liga sa Pampanga hanggang sa professional level.
Sa ngayon, inaabangan na ng buong liga ang unang pagtapak ni “The Beast” sa court suot ang uniporme ng Converge upang patunayan na nananatili pa rin ang kanyang bagsik sa loob ng hardcourt. (Ron Tolentino)
