Hindi lamang bagong mukha ang hinarap ni Bella Belen sa kanyang pagbabalik sa PVL, kundi isang mabigat na responsibilidad na agad niyang ginampanan nang may gilas.
Sa edad na 23, ang reigning No. 1 draft pick ay hinirang na interim captain ng Solar Spikers, kung saan pinamunuan niya ang koponan sa isang 25-17, 25-16, 15-25, 25-19 na tagumpay laban sa ZUS Coffee nitong Martes.
Pinatunayan ni Belen na karapat-dapat siya sa bansag na superstar matapos magtala ng career-high na 28 points. Hindi lamang sa opensa bumida ang dating NU Lady Bulldog; nagpakitang-gilas din siya sa depensa na may kasamang 16 digs at pitong receptions sa isang all-around masterclass performance.
Ibinigay kay Belen ang pagiging kapitan sa maikling abiso matapanos magkasakit ang regular skipper na si Roma Doromal. Ayon kay Belen, tinanong siya ni Coach Jorge Souza de Brito kung kaya niya ang pressure o kung masyado itong mabigat para sa kanya.
“Sabi ko naman, kaya ko naman since for me, ‘yung being a captain, pinagkaiba niya lang is may line ka lang under your number. Kung kahit naman hindi ako captain, I’ll try my best naman na mag-lead din ng team,” pahayag ni Belen.
Bagama’t sanay na sa pagiging lider noong nasa UAAP pa, inamin ni Belen na iba ang hamon sa professional level dahil isa siya sa mga pinakabata sa roster ng Capital1. Gayunpaman, pinuri niya ang sistema ng Solar Spikers kung saan ang lahat ay inaasahang maging lider sa loob ng court.
“Iba talaga, kasi sa NU, kasama ko na rin sila before so hindi siya ganun kahirap for me. Dito naman, feeling ko pagdating sa game, sa Capital, walang captain-captain talaga eh. Kung sino kayang mag-lead, kailangan mag-lead din dahil hindi pwedeng isa o dalawa lang po talaga ‘yung gumagana sa team,” dagdag pa niya.
Sa naging panimula ni Belen, malinaw na ang kanyang impluwensya sa koponan ay higit pa sa guhit sa ilalim ng kanyang jersey number. (Ron Tolentino)
